UAAP men’s basketball: Tigers kakatok sa F4

PUNTIRYANG sagpangin ng University of Sto. Tomas Growling Tigers ang ika-10 panalo upang makasiguro ng upuan sa semifinals ng 75th season UAAP men’s basketball tournament.

Nakaharang sa daraanan ng Tigers ang UE Red Warriors kaya naman kailangan nilang kaldagin ito bukas ng alas kuwatro ng hapon sa PSC-Ultra upang samahan ang defending champion Ateneo Blue Eagles na nauna nang dumapo sa Final Four.

Sasandalan ni UST coach Pido Jarencio ang kanyang sentrong si Karim Abdul, Aljon Mariano at point guard Jeric Fortuna para sa asam na semis berth.

Nasa tuktok ang Blue Eagles kapit ang 10-2 win-loss slate habang segundo puwesto ang España-based UST na may 9-3 karta.

Samantala, sa unang sultada importante rin para sa De La Salle Green Archers na makuha ang panalo sa lagas ng Adamson U Falcons upang mapalakas ang tsansa na makapasok sa final four.

Hawak ng Green Archers ang pang-apat na puwesto na may 7-5 baraha sa team standings subalit nakadikit sa kanila ang host National University Bulldogs kagat ang 7-4 panalo-talo karta.

Maging ang last year’s runner up Far Eastern University Tamaraws na okupado ang tersero puwesto ay hindi pa rin sigurado na makapapasok sa semis dahil nakakawalong panalo pa lang sila sa 11 salang.

Sa alas dos ng hapon mag-uumpisa ang banggaan ng DLSU at Adamson.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply