UDHA, ipinababasura ng grupo ng maralita

SA kabila ng mararahas ng demolisyon ng kabahayan ng mga maralita sa buong bansa, muling nanawagan ng pagbasura sa RA 7279 o Urban Development and Housing Act ang Alyansa Kontra Demolisyon.

Ayon sa grupo, nagiging ligal ang brutal na pandarahas ng mga otoridad laban sa mga maralitang nagbabarikada laban sa demolisyon ng kanilang kabahayan dahil sa batas na UDHA.

“Hangga’t nanatili ang batas na ito, madadagdagan pa mga mararahas na paglaban ng maralita para sa kanilang tirahan at kabuhayan,” ani Estrelieta ‘Ka Inday’ Bagasbas, tagapagsalita ng alyansa.

Hindi umano kinikilala ng UDHA ang mga dahilan kung bakit nanatili ang malawakang kawalan ng sariling tahanan ng mga maralita. “Sa halip na magsilbi ang UDHA sa aabot sa 30 milyong maralitang kakayahang magkaroon ng sariling tahanan sa lungsod, ginagamit pa ang batas laban sa maralita ng iilang lokal at dayuhang negosyante at maging ng pamahalaan.

“Kung susundin ang UDHA, milyun-milyong maralita ang maikakategoryang mga ‘kriminal’ sa ilalim ng kasalukuyang gubyerno kaya’y hindi na nakakapagtaka kung bakit marahas ang pakikitungo sa amin ng gubyernong Aquino,” ani Bagasbas.

Programa sa Pabahay

Ayon pa sa alyansa, ang programang paglilikas ng mga maralita sa mga lugar kung saan wala silang mapagkukunan ng kabuhayan tulad ng Montalaban at Calauan relocation site ay magpapatigas lamang sa paninindigan ng mga maralita na manatili sa lungsod kung saan kahit papaano ay nakakapagpasulpot sila ng ipangkakain sa kanilang pamilya.

“Natural na hindi kami papayag na magutom ang kanilang pamilya kung papaloob kami sa programang relokasyon ng pamahalaan.

“Habang wala namang matinong trabahong nalilikha ang gubyerno para sa mga maralitang lungsod, at lumalala ang kawalang lupa sa kanayunan ng milyun-milyong magsasaka, patuloy na magigiit ang mga maralita upang manatili sa lungsod at mairaos ang pang-araw-araw nilang buhay,” paliwanag ni Bagasbas.

Sa mga darating na araw, muli na namang masusubukan ang katatagan ng mga maralita para igiit ang kanilang karapatan. Sa plano ng gubyernong Aquino, 556,000 pamilya ang dapat mailikas ng pamahalaan mula sa Metro Manila sa loob lamang ng limang taon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply