Umaalingasaw na ang itinatagong bulok ng PDEA

MATAGAL-TAGAL na ring hindi natin nasilip kung ano na ang naging kalagayan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA  bagama’t halos araw araw ay nababasa natin sa mga pahayagan  na may mga nahuhuli silang mga pusher, user at umano’y shabu laboratory.

Maganda ang ginagawa nitong  si  PDEA-PIO Chief  Director Derrick Carreon, na halos araw-araw ay may mga pinadadalang press release sa mga  reporter,

Maging ang mga operatiba ng ahensiya ay aktibo rin sa panghuhuli ng droga ngunit sa kasalukuyan ang concentration ng PDEA ay ang lungsod ng Taguig, dahil kaya sa binawasan ang kanilang budget ng Senado?

Matatandaan na kinuwestiyon ni Sen. Peter Cayetano si PDEA-USEC Jose Gutierrez, Jr. kung bakit magmula nang ito ay maupo sa PDEA ay wala pa itong  naibigay na magandang accomplishment, kung kaya ito marahil ang isa sa naging dahilan kung bakit  binawasan ng malaki ang kanilang budget.

Busy ang PIO ng  PDEA sa paggawa at pamimigay ng mga press release, dahil kaya sa umaalingasaw na baho sa loob ng tanggapan ng PDEA?

Ayon sa sources ng Lily’s Files sa loob ng PDEA, ang umaalingasaw umanong baho ngayon ay may kaugnayan sa mga ibinabalik na tseke ng isang opisyal dito. Sinasabing, noong mga nakalipas na buwan ay nahilig sa online gaming sa may Sta. Mesa, Manila ang  misis ng isang opisyal ng PDEA at dahil sunod-sunod itong natatalo ay nauubusan ng dalang pera kung kaya obligadong mag-isyu ng tseke na nakapa-ngalan umano sa  nasabing PDEA official.

Sa laki umano ng halaga ng mga na-isyung tseke ay tumalbog ang ilan dito kung kaya ibinalik ang mga ito sa tanggapan ng PDEA Official at dahil na rin sa kahihiyan ng misis na sugarol ay lumipat ito  ng ibang lugar para doon naman magkalat ng lagim.

Nag-level-up si misis sugarol. Kung dati ay sa online gaming lang ito ay lumipat sa Heritage Hotel sa lungsod ng Pasay. Wow, nag- level up na nga talaga si ma’m at biglang naging sosyal.

At dahil sa sunod-sunod na  bumabalik ang tseke ni Sir sa kanyang  tanggapan sa PDEA ay lumapit umano ito sa finance at pinagagawan ng paraan ang mga tumalbog na tseke.

Ibinulgar din ng ating mga source na dahil dito ay ilang opisyal  ang umano’y  inutangan at tinokahan ni Sir kapalit ng magandang puwesto para ma-bayaran lang ang umano’y mga tumalbog na tseke.

Hindi alam ng mga mamamahayag na nagkaroon ng re-shuffle sa mga region,  kabilang na ang NCR, na ayon sa ating source, kapag napautang  umano  si Sir ng isang opisyal  ay hindi ito magagalaw sa kanyang puwesto.

Kalat na kalat ang isyung ito sa tanggapan ng PDEA na ayon sa mga operatiba, hindi na sila nagtataka kung bakit lahat ng   pag titipid ay inabot nila, yun pala  ay wala ng pera ang kanilang ahensiya.

Ang PDEA ay nasa ilalim ng  Office of the President, mas maganda sigurong mapaimbestigahan ito ni Pangulong Noynoy, para maituwid niya ang baluktot na daan na tinatahak ngayon ng PDEA.

Bukas po ang Lily’s files Column natin para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento, mag-text lang po sa 09155683000 at 0908-7230036 o kaya ay mag- email lang sa lpr_2012@yahoo.-com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply