Utol ni Jake Vargas dinukot ng mga pulis

KIDNAP FOR RANSOM, robbery at violation of domicile ang mga kasong hinaharap ngayon ng mga pulis na bata ni Olongapo City Police Director Sr. Supt. Christopher Tambungan.

Ito ang isinampa sa Prosecutors’ Office ng Olongapo City nitong Sept. 24, 2012, ni Jonalyn Vargas at asawa nitong si Joseph Vargas, nakatatandang kapatid ni Jake Vargas, artistang alaga ng beteranong si German Moreno.

Ayon sa salaysay ng mga Vargas, nananahimik sila sa kanilang bahay noong Sept. 5, 2012 bandang 9 ng gabi sa Purok 2, New Cabalan nang bulagain ng limang armadong kalalakihan at agad pinosasan si Joseph.

Drug den daw ang bahay ng mag-asawa at nagpa-pot session daw sila kaya sila sinalakay sabi ng lumabas na mga pulis na ang dalawa ay nakilalang sina PO1 Eleazar Jimenez at PO3 Alexander Quinet ng Olongapo PNP.

Walang search warrant at hindi naman pala paghuli sa mga lumalabag sa batas ang pakay ng mga pulis dahil sa halip na ikulong ang dalawa ay hiningan sila ng limang Olongapo pulis ng P200,000  kapalit ng kalayaan ng mag-asawa at ni Odessa, kapatid ni Joseph.

Bandang ika-10 ng gabi ring iyon, matapos kunin ang kanilang mga cellphone, puwersahang isinakay ng mga pulis ang tatlo sa puting kotse at hinanap ang kapatid na artista ni Joseph na si Jake na natunton naman nila sa isang internet shop sa naturang lungsod.

Mula internet shop, pinasunod si Jake sa Camp Cabal, Headquarters ng Olongapo Police sa Bgy. Barretto at napagkasunduan na luluwas ng Maynila si Jake at Odessa para humingi ng pera kay German Moreno, manager ng artistang si Jake.

Nagbigay agad ng P50,000 si German Moreno kayag agad bumalik sa Olongapo sina Jake at Odessa, diretso sa bahay nila sa Binictican, Subic Bay Freeport kung saan ibinigay ni Jake sa amang si Miguel ang pera.

Alas sais y medya ng umaga ng ika-6 ng Setyembre, iniabot ni Jimenez ang cellphone ni Odessa kay Joseph kung saan may txt na dadalhin na ni Miguel ang P50,000 sa James L. Gordon Memorial Hospital.

Nakaabang naman sa Volunteers Park malapit sa ospital sina PO1 Jimenez at PO3 Quinet alas siyete pa lang ng umaga nang dumating si Miguel.

Nakaposas naman noon sa loob ng kotseng puti na nakaparada sina Joseph at Jonalyn ng iabot ni Miguel kay PO3 Quinet ang P50,000 sabay pangakong may P150,000 na iwi-withraw sa banko.

Ala-una ng hapon nang matanggap ni Miguel ang tawag ni German Moreno na pwede nang i-withdraw ang ipinadala niyang P150,000 kaya nagpunta siya sa Metro Bank.

Ala una y media ng makatanggap si Miguel ng txt mula kay PO3 Quinet  na nagtatanong kung nasaan siya at sinagot niyang nasa Volunteers’ Park at dala na ang P150,000.

Pinasunod ni PO3 Quinet si Miguel sa kanya patungong Green Hills Arcade tapat ng SM Olongapo kung saan doon ini-release sina Jonalyn at Joseph matapos tanggapin nina PO3 Quinet ang P150,000, kabuuan ng P200,000 kapalit ng kalayaan ng mag-asawa.

Bagamat nanginginig sa sindak, nagkalakas-loob na ring mag-reklamo ang mga Vargas at sinampahan na nga ng kaso sina PO1 Jimenez, PO3 Quinet at tatlo pang pulis na John Does nitong ika-24 ng buwang ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply