Wake up call kay Noynoy

PANAHON na talaga para kalimutan na ng mga namumuno sa bansa sa pangunguna ni Pangulong Nonoy Aquino ang sobrang pamumulitika.

Sa halip na puro pulitika ay ibuhos nila ang kanilang lakas, talino at oras sa mga bagay na magbibigay ng ginhawa sa taumbayan lalo’t higit sa mga kabataan na siyang tunay na pag-asa ng ating bansa.

Nasabi ko ito sapagkat parang hindi pa alam ng mga opisyal natin hanggang ngayon na ayon sa pinakahuling world university survey ay lumabas na bumagsak pa lalo ang ranggo ng mga paaralan natin kumpara sa mga unibersidad sa Asya at sa iba pa.

Ang masakit wala ni isa man sa mga pangunahing unibersidad natin gaya ng UP, Ateneo at De la Salle ang pumasok, huwag na sa top 10 kundi kahit sa top 300 man lang batay sa 2012-2013 survey na isinagawa ng London-based education research firm na Quac-quarelli Symonds (QS).

Lumabas na pinakamataas ang nakuha ng UP pero pang 338 lang ito na higit na mababa keysa 332 na nakuha nito noong nakaraang taon.

Bumagsak din ang Ateneo sa 451-500 na bracket mula sa 360 at maging ang De La Salle ay bagsak na rin sa pang 601 ngayon mula sa 551-600 bracket noong nakaraan.

Ano ang masasabi ko rito? Isipin na lang na maliban sa UP, alam natin na halos lahat ay mayayaman at siyempre mayayabang ang mga namumuno at nag-aaral sa mga eskuwelahan na iyan.

At karamihan din sa mga namumuno at nagpapatakbo ng bansa natin ay puro galing sa akala natin ay mga prestihiyosong mga school na iyan.

Hindi na ako magtataka kung bakit ganito ang takbo ng bansa natin.

Kung ikukumpara natin sa nangungunang mga uniber-sidad sa Asya nakasama sa top 50 ang mga paaaralan mula sa Hong Kong, Singapore, Korea, Japan at China.

Kung papansinin sila rin ang pinakamauunlad na bansa hindi lamang sa rehiyon natin kundi sa buong mundo.

Kaya hindi nakapagtataka na todo rin ang suporta na ibi-nibigay ng mga pamahalaan nila sa kanilang mga uniber-sidad at mga estudyante.

Hindi gaya rito na sa halip na suportahan ay kinakalta-san pa ng magaling na Budget Secretary na si Butch (Very Bad) Abad ang pondo ng ating mga state universities and colleges (SUCs).

Kaya naman hindi kataka-taka na patuloy ang pagbaba ng kalidad ng ating edukasyon, pero ang nakapagtataka ay hindi natin alam kung saan gustong ilagay ni Abad ang pera na makakaltas niya mula sa mga SUCs. Hindi kaya ini-lalaan ang perang makakaltas nila sa darating na eleksyon para siguruhin ang panalo ng mga manok nila?

Iyan kasi ang problema sa liderato ng ating bansa, puro pulitika at sarili ang inuuna bago ang kapakanan ng mga mamamayan at ayaw mag-invest sa kinabukasan sa katauhan ng ating mga mag-aaral at kabataan.

Sana ay magsilbing hamon ang resulta ng survey na iyan para magising na sa katoto-hanan ang ating mga lider at bigyang pansin naman nila ang tunay na kalagayan ng edukasyon sa ating bansa.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply