Walang personalan kay PNoy

NAPATUNAYAN ni Pangulong Noynoy Aquino na sa kasalukuyang administrasyon nito ay walang mangyayaring personalan o kahit na anong di-pantay na pagtingin sa mga taong naunang kumastigo sa kanyang pamilya.

Sa launching ng libro ni Manong Johnny noong nakaraang Huwebes, dumagsa ang maraming politiko na sumuporta rito, kasama na si PNoy na alam naman nating myembro ng isang pamilyang naging biktima ng martial law ni Marcos.

‘Di lingid sa ating kaalaman na isa si Enrile sa mga utak ng batas militar na nagpahirap sa napakaraming Filipino na napagbintangan at pinarusahan sa akusasyon na rebelyon sa rehimeng Marcos.

Ayon sa Pangulo, ang librong ito ang siyang magbubukas ng oportunidad sa publiko upang malaman ang kabilang panig ng istorya ng martial law at kung ano nga ba ang nagtulak sa mga tao sa likod nito upang ideklara at ipatupad ang batas na ito.

Kitang-kita kay PNoy na wala na itong sama ng loob kahit pa isa rin si Manong Johnny sa namuno sa tangkang pagsasagawa ng ilang serye ng coup d’ etat sa administrasyon naman ng kanyang ina.

Bagama’t ayon sa Pangulo ay hindi naging maganda ang nakalipas na ugnayan niya at ng kanyang pamilya kay Enrile, naniniwala pa rin ito na may mga bagay na kaya nilang mapagkasunduan bilang mga opisyal na ngayon ay nasa may pinakamataas na posisyon sa bansa.

Isang magandang halimbawa talaga si PNoy ng opisyal na may mababang loob at walang ibang interes kundi ang seguridad at ikaaayos ng sambayanang Filipino.

Talaga nga namang wala nang iba pang mas mainam na ganti sa mga pumukol sa iyo ng bato kundi ang tunawin sila sa kabutihan na magpapakita kung gaano sila nagkamali.

Dagdag pa ni PNoy, nawa’y matuto ang mga Filipino sa leksyon na inilalatag ng kwento sa libro ni Manong Johnny na siya namang hango sa totoo nitong buhay.

Sa lahat ng hirap na pinagdaanan ng pamilya Aquino sa rehimeng Marcos, hindi natin maiiwasang magtanong kung paano napatawad ng Pangulo at ng kanyang pamilya ang mga tao sa likod nito.

Ngunit sa kasalukuyang ginagawa ni PNoy, tila naghilom na ang sugat ng nakaraang pagdurusa ng kanyang pamilya na tiyak na gumuhit ng peklat sa kanya at sa buong pamilyang Aquino.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply