West Philippine sea sinelyuhan ni PNoy

TAMA si Pangulong Noynoy Aquino sa ginawa nitong paninindigan na ang Pilipinas ang siyang nagmamay-ari sa karagatang nakapalibot sa ating bansa, partikular na ang katubigan sa bahaging pinagtatalunan ng Pinas at China – ang Scarborough Shoal.

Sa pinirmahang Administrative Order No.29 ng Pangulo nitong Setyembre 5, itinakda na tatawagin nang “West Philippine Sea” ang karagatang nasa kanluran ng bansa bilang pagpapahiwatig na ito ay nasa ilalim ng sovereignty at jurisdiction ng Pilipinas.

Patunay na hindi kailanman naging “noynoying” ang pagtugon ng Pangulo sa usaping pang-teritoryo na kinahaharap ng
Pinas.

Inatasan rin ni PNoy ang National Mapping and Resource Information Authority na maglabas ng mga chart at mapa kung saan mailalathala ang pormal na pangalang West Philippine Sea na bahagi ng ating bansa.

Ayon sa naturang AO, ipararating sa kaalaman ng Secretary General ng United Nations ang bagay na ito at ipagbibigay-alam rin sa ilang international organizations na may kaugnayan sa bagong takdang pangalang ito, tulad ng International Hydrographic Organization and the United Nations Conference on the Standardization of Geographical Names.

Bukod dito, nakatakda ring gamitin ang West Philippine Sea sa lahat ng mensahe at komunikasyong may kaugnayan dito na isasagawa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Samakatuwid, ang ating pamahalaan ay gumagawa na rin ng hakbang upang maipakita na handa tayong ipaglaban ang karapatan sa ating teritoryo na hindi kailanman nadaraan sa laki o liit ng bansa.

Sadyang hindi madaling ipaglaban ang bagay na kahit sa anong paraan ay pilit na kinukuha ng iba, ngunit hanggang tayo’y nasa tuwid na daan, patuloy nating ipaglalaban ang ating karapatan tulad na lang ng paninindigan na ipinakikita ng ating Pangulo.

# # #

Inaasahang sa darating na mga araw ay magiging pakalat-kalat na ang mga unipormadong pulisya sa buong NCR bunsod ng utos ni NCRPO Chief Supt. Leonardo Espina.

Kung ating mapapansin, tama nga naman na nag-aabang na lang ang ilang pulisya sa headquarters para sa reklamo ng mga biktima ng krimen na kung tutuusin ay maaari namang maagapan kung sila’y nagmamasid at nagpapatrulya nang mas madalas sa kalsada.

Sa paraang ito ni Espina na magtataas sa level ng police visibility, sana ay mabawasan na ang krimen sa bansa na talaga namang nakaaalarma na dahil maging sa sariling tahanan ay mahirap nang makasiguro sa ating seguridad.

Bukod dito, inaasahan ding masasawata ang kotong cops dahil sa determinasyon ng bagong opisyal na ibalik ang integridad ng pulisya.

Matatandaan na ang mismong anak nito ay nakaranas ng ‘di magandang pagtrato mula sa isang pulis kasabay ng ilang ‘di magagandang balitang nagsasangkot sa naturang kotong cops.

Ang sabi nga, tumalino at tila lumakas na ang loob ng mga kriminal ngayon kung kaya’t kailangan nang sumabay rito ang kapulisan upang matiyak ang seguridad ng publiko na pangunahin namang tungkulin ng kanilang propesyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply