What’s wrong with libel?

PANAY ang depensa ng ilang sikat sa Senado sa pag-aprub nila sa probisyon ng libelo sa Cybercrime Prevention Act of 2012 o Anti-Cybercrime Law.

Tahimik naman ang mga kongresman dahil nakapaghugas-kamay na yata ang mga ito.

Wala umanong ipinapasok ang mga kongresman na libelo sa kanilang bersyon at diyan sa Senado isiningit ang libelo bilang krimen sa nasabing batas.

oOo

Sabi ng isang senador, “what’s wrong with libel?” Tama nga naman.

Sa dami ba naman ng anomalya  at pang-aabuso sa poder ng mga politiko at iba pang nasa gobyerno, ‘yang kasong libelo ang ginagamit nila para mapatahimik nila ang media at mamamayang nakaaalam ng kanilang kaaliwaswasan.

Kung susubaybayan ninyo, Suki, ang mga kasong libelo, karamihan sa mga ito ang isinasampa ng mga politiko at iba pang nasa gobyerno laban sa mediamen at iba pang mamamayan.

Bibihira ang kasong libelo sa pagitan ng mediamen at ordinaryong mamamayan.

Kung hindi nila papatayin o mamasekerin, ipinakukulong ng mga onorabol ang kanilang mga kritiko na karaniwan ay mediamen at iba pang nakaaalam ng kanilang kalokohan.

oOo

Hindi kuntento, Suki, ang mga onorabol sa libelo na nilalaman ng Revised Penal Code.

Kapag nakumbik ka sa RPC ng Regional Trial Court, pupuwede kang hindi  agad makulong hangga’t walang pinal na desisyon ang Korte Suprema.

Pero dito sa Anti-Cybercrime Law, pagkahusga sa iyo ng RTC na nagkasala, diretso ka na sa bilibid. Kapag kinasuhan ka ng mga onorabol ng  ilang beses at nakumbik ka, maaaring mabulok ka na lang sa kulungan.

Kasi 6 taon at isang araw hanggang 12 taon ang parusa sa Anti-Cybercrime Law.

Ang punto rito, Suki, kontrolado karaniwan ng mga onorabol ang mga piskal at huwes kaya malamang na makumbik ka sa libelo.

Kahit totoo ang iyong sinasabi ukol sa kabulukan ng mga politiko.

“What’s wrong with libel?” Kakarmahin din kayo, noh!

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply