13 partylist groups diniskuwalipika

DINISKUWALIPIKA ng Commission on Elections (Comelec) ang Ako Bicol partylist at 12 iba pa matapos mabigo ang mga ito na makasunod sa requirements ng Korte Suprema para sa isang partylist.

Narito ang 13 nadiskuwalipikang partylist:

– Ako Bicol
– 1-Aani
– 1-Bro Philippine Guardians Brotherhood Incorporated (1-Bro PGBI)
– 1-Guardians Nationalist of the Philippines Incorporated (1-GANAP/Guardian)
– First People’s Representative for Indigent Student Athletes (1st PRISA)
– A Blessed Partylist
– Alliance for National Urban Poor Organization Assembly Inc. (ANUPA)
– Alliance for Rural Concerns (ARC)
– Association for Righteousness Advocacy on Leadership (ARAL)
– Atong Paglaum
– Organization of Regional Advocates for Good Governance Onward Nation-Building (ORAGON)
– United Movement Against Drugs Foundation Inc. (UNIMAD)
– Yes We Can

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., hindi na nila papayagang tumakbo sa halalan ang mga nasabing partylist groups dahil hindi kuwalipikado ang mga ito.

Dagdag pa ni Brillantes na sa una pa lamang ay hindi na dapat nabigyan ng akreditasyon ang mga naturang grupo.

Matatandaang ang Ako Bicol partylist ang siyang nanguna sa 2010 partylist elections at kinakatawan sa Kongreso nina Reps. Christopher Co, Rodel Batocabe at Alfredo Gabin, Jr.

Ani Brillantes, kinansela nila ang akreditasyon ng Ako Bicol dahil ito’y political party at walang kinakatawang marginalized sector.

Sa kabila naman nito, nilinaw ni Brillantes na maaaring ipagpatuloy ng mga kinatawan nito ang kanilang termino hanggang sa Hunyo 30, 2013.

“They can continue to serve their terms until June 30, 2013,” aniya.

Hinamon pa ng Comelec chief ang mga naturang grupo na dumulog sa Korte Suprema upang ang mataas na hukuman na ang maglabas ng desisyon sa kaso.

Inihayag pa ni Brillantes na maaaring madagdagan pa ang mga diskuwalipikadong partylist group lalo na’t patuloy pa rin ang kanilang screening sa mga grupong nais lumahok sa eleksyon sa susunod na taon.

Una rito, diniskuwalipika rin ng Comelec ang 37 partylist groups dahil hindi nakapasa sa mga requirement at sa kawalan ng track record.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply