16 na patay sa bagyong Sandy

(Update) NEW YORK – Sumirit na sa 16 ang patay sa tropical storm Sandy na nagdulot ng matinding pagbaha at blackout sa east coast ng Amerika.

Sa nasabing bilang, lima ang namatay sa New York, tatlo sa New Jersey,  isa sa Connecticut, at isa rin sa District of Columbia, Pennyslvania, Maryland, West Virginia at isa sa karatig na Canada.

Sa New York na hinahagupit ngayon ng bagyo, umaabot ng higit apat na metro ang lalim ng baha o lagpas tao  dahil sa matinding ulan at storm surge bunsod ng 136 kilometro bawat oras na lakas ng hangin na taglay ng bagyo.

Ayon kay New York City Mayor Michael Bloomberg, extraordinary ang lalim ng tubig sa kanyang lungsod.

“We knew that this was going to be a very dangerous storm, and the storm has met our expectations,” “The worst of the weather has come, and city certainly is feeling the impacts.”

Sa Battery Park, umaabot sa halos limang metro ang taas ng tubig, na nagtala ng panibagong record.

Dahil sa baha, isinara na ang tatlong pangunahing paliparan na LaGuardia, John F. Kennedy at Newark Liberty.

Maging ang mga subway stations sa Lower Manhattan hanggang sa mga tunnel na dumudugtong sa Brooklyn.

Una nang nag-shutdown ang subway system sa New York at 400,000 katao ang sapilitang inilikas.

Maraming punong kahoy ang natumba at ang New York Stock Exchange ay abot ng isang metro ang taas ng tubig baha.

Inililikas ngayon ang 200 mga pasyente sa New York University Hospital sa gitna ng pananalasa ng bagyong Sandy.

Sinabi ni Mayor Bloomberg, nawala maging ang backup power ng nasabing ospital na malapit sa East River sa lower Manhattan na binabaha ngayon.

Samantala, 19 katao naman ang na-trap sa Consolidated Edison power station sa eastside Manhattan sa biglaang pagtaas ng baha.

Ayon sa isang rescue worker, may sumabog sa loob ng power station at ngayon ay sinisikap ma-rescue ang mga na-trap na manggagawa.

Sa New York Harbor, naitala ang record-breaking na 32.5 feet o higit siyam na metrong taas ng alon.

Sa ngayon 6.5 milyong residente mula sa 13 estado sa East Coast ang walang suplay ng koryente kabilang na ang 350,000 sa New York.

Sa Atlantic City sa New Jersey nag-landfall ang bagyo, na-wipe out din ang pamosong boardwalk na isang national landmark at marami ang stranded sa baha ayon kay
Governor Chris Christie.

Nasira naman ang 100 talampakan ng fishing pier sa Maryland at ayon kay Gov. Martin O’Malley, inaasahan nila ang matinding baha mula sa ngayon ay umaapaw na Cheasapeake Bay.

Higit 14,000 flights na ang kanselado kung saan pinakahuli ay ang 200 flights sa Los Angeles International Airport na papasok at palabas ng East Coast ang grounded.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply