2 holdaper laruan ang baril, arestado

KALABOSO ang dalawang holdaper nang maaresto ng mga nagpapatrulyang pulis makaraang manlaban ang taxi driver na kanilang biniktima matapos mabuko na laruan lamang ang baril na hawak ng isa kahapon ng madaling araw sa Pasay City.

Nabawi ng mga tauhan ni Chief Insp. Reynaldo Paculan, hepe ng Police Community Precinct (PCP) 10 sa mga suspect na sina Manolito Picache, 43 residente ng 314 Medicion II Imus, Cavite at Archimedes Carag, 37 ng 4 JS Compound, Camella Subdivision, Paranaque City ang P1,700 na tinangay nila sa biktimang si Florencio Magnanao, 54, nakatira sa 66 Agno Ext. Brgy Tatalon, Quezon City pati na ang laruang baril at balisong na ginamit sa panghoholdap.

Batay sa isinagawang imbestigasyon nina SPO1 Cris Gabutin at PO3 Simon Respicio ng Investigation Section ng Pasay police, sumakay ang dalawang suspect sa minamanehong taxi (FYC-158) ng biktima dakong alas-2:30 ng madaling araw at nagpahatid sa Kalayaan Road.

Pagsapit sa kanto ng Kalayaan at West Service Road, naglabas na ng patalim at baril ang dalawa at nagdeklara ng holdap sabay kuha sa salaping kinita ng biktima.

Napuna umano ni Magnanao na laruan lamang ang baril na hawak ni Picache kaya’t bago pa man makababa ang dalawa ay hinablot at nakipag-agawan na siya sa patalim ni Carag na ikinasugat ng kamay ng biktima.

Dito na lumabas ng taksi at nagtatakbo ang dalawa subalit hinabol pa rin sila ni Magnanao na nagsisigaw na humingi ng tulong. Nagkataon na nagpapatrulya sa naturang lugar sina Chief Insp. Paculan, kasama ang mga tauhan at barangay tanod na naging dahilan upang madakip ang mga suspect.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply