2 holdaper patay sa sekyu

PATAY ang dalawang hinihinalang mga holdaper nang makipagbarilan ang  mga ito sa dalawang rumespondeng security guard na nakasaksi sa ginagawa nilang panghoholdap sa isang ginang kamakalawa ng hapon sa Pasay City.

Dead on the spot ang hindi pa nakikilalang suspect na tumutok ng baril at humablot sa handbag na naglalaman ng mamahaling cellphone, laptop at P2,000 cash ng dating call center agent na si Primadonna Ybarela, 24, may asawa at residente  ng Unit 1839 Park Avenue Mansion habang nagawa pang maitakbo ng isa pang suspect ang minamanehong motorsiklo subalit bumagsak at namatay din sanhi ng tama ng bala sa katawan.

Batay sa isinumiteng ulat ni Pasay city police chief Supt. Samuel Turla kay Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Benito Estipona, nasaksihan ng security guard na si Eldon Fernando Erispe ng ISAP Security Agency at nakatalaga sa ECE Warehouse ang panunutok ng baril at panghahablot ng suspect sa handbag ni Ybarela sa kanto ng Dominga at Loring St., Park Avenue dakong alas-2:25 ng hapon kaya’t pinaputukan niya kaagad ang holdaper.

Nakipagpalitan naman ng putok ang nagmamaneho ng motorsiklo sa isa pang security guard na si Domingo Mallarina ng CSA Security Agency na nakasaksi sa pakikipagbarilan ng kapwa guwardiya hanggang magawa nitong makatakas, sakay ng kanyang minamanehong motorsiklo patungong Roxas Boulevard.

Naalerto naman ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 4 ng Pasay police sa pangunguna ni Insp. Geronimo Diaz kaya’t hinabol nila ang suspect subalit bago pa man makarating sa boundary ng Paranaque city ay bumulagta na ito sanhi ng tama ng bala sa katawan.

Nakilala naman ng pulisya ang ikalawang napatay na suspect sa pamamagitan ng nakuha sa kanyang kalibre. 45 baril na naka-lisensiya sa pangalang Teofilo Danzil, residente Hiyas Village, St. Moonwalk, Paranaque city.

Nagpapagaling naman ng kanyang mga tinamong sugat sa tuhod sa Pasay City General Hospital si Ybarela matapos makaladkad nang tumangging bitawan ang bag na hinablot sa kanya ng mga suspect.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply