2 pang kotong cops sa QC sinibak

SINIBAK na kakasuhan pa ng administratibo ang dalawang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) na nagtangkang mangotong sa isang doktora na inakusahan nilang nakikipagtalik sa kanyang drayber sa loob mismo ng kotse nito sa Barangay Mariana sa nasabing lungsod noong nakaraang Sabado.

Kinilala ni QCPD director Chief Superintendent Mario dela Vega ang mga sinibak sa posisyon na sina PO 3 Rommel Javinal Apanay at PO2 Roy Perez Peñaverde na kapwa nakatalaga sa QCPD-Station 11.

Sinabi ni Dela Vega na lumutang naman agad sina Apanay at Perez sa Camp Karingal nitong nakaraang Miyerkules at pinasinungalingan ang alegasyon ng 47-anyos na ayaw magpakikilalang doktora mula sa San Juan City at ng kanyang 29-anyos na tsuper.

Pinag-aaralan pa aniya kung sasampahan din ng kasong kriminal sina Apanay at Perez base na rin sa pahayag ng mga complainant.

Sa salaysay ng doktora, nagmula sila sa isang basketball game at ipinarada ang kanilang Toyota Altis sa Barangay Mariana dakong alas-11 ng gabi sa tapat ng bahay ng kanyang drayber.

Naghahalughog sila ng kanilang gamit sa loob ng kotse nang dumating ang isang mobile patrol car.

Anang mag-amo, pinupuwersa sila ng dalawang pulis na nakasakay sa mobile patrol na mayroon silang ginagawang masama sa loob ng kanilang sasakyan.

Binantaan umano sila ng dalawang pulis na kakaladkarin sila patungo sa presinto para ikulong pero kung makapagbibigay sila ng P20,000 ay hindi na ito itutuloy.

Matapos ang pangongotong, dumulog naman agad kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Leonardo Espina ang naturang doktora para sa kaukulang aksyon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply