200 kabataan huli sa paglabag sa curfew

DAHIL sa pinaigting na pagpapatupad ng curfew ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO), nadakip ang halos 200 mga kabataan at mga tinaguriang sunog-baga na nagkalat sa dis-oras ng gabi.

Sa ipinadalang ulat ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Benito Estipona kay NCRPO Director Chief Supt. Leonardo Espitan, nasa 32 katao ang inaresto ng mga tauhan ng Las Pinas City Police kamakalawa ng gabi dahil sa pag-inom sa lansangan sa mga barangay Pulang Lupa 2, Zapote, CAA, Talon 1, Talon II, Talon V, Almanza I at Almansa II.

Umabot naman sa 121 na mga menor-de-edad na lumabag sa curfew ang nadakip at kaagad na dinala sa mga barangay hall upang isailalim sa pagtuturo kaugnay sa ginawa nilang paglabag sa umiiral na ordinansa bago muling ibinalik sa pangangalaga ng kanilang magulang.

Dalawa katao naman ang dinakip sa Merville Access Road sa Pasay city matapos mahuling kapwa umiinom sa lansangan habang pito pang menor-de-edad ang lumabag din sa curfew.

Sinabi ni Estipona na hindi lamang ang mga lumalabag sa curfew at pag-inom ng alak sa mga lansangan ang pinagtutuunan ng pansin ng kanilang kapulisan kundi pati na rin ang pagdakip sa mga kriminal tulad ng mga holdaper at snatchers, pati na ang pagkalap sa mga palaboy sa lansangan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply