2013 election make or break para kay Binay

HINDI naman lingid sa ating kaalaman na sa susunod na 2016 election ay posibleng tumakbo sa pagkapangulo si Vice President Jejomar Binay habang ang mga anak naman nito ay may kanya-kanya ring laban sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno maging sa lokal o nasyonal na pamahalaan sa darating na 2013.

Matapos pormal na ideklara na kasapi na ng senatorial slate ng United Nationalist Alliance (UNA) ang anak nitong si Nancy Binay, mahahatak kaya ng ama ang anak nito sa senado?

Bilang parte ng gabinete ni PNoy sa loob ng halos dalawa’t kalahating taon, anu-ano na nga ba ang nagawa ni Binay na maaari nitong maipagmalaki upang mahikayat ang taong bayan na iboto ang anak?

Totoong nakagugulat ang pagpasok ng pangalan ni Nancy Binay sa mga posibleng manalo bilang senador ayon sa nakaraang resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey.

Ngunit, sapat na ba ang resulta ng survey na ito upang maiupo ang anak ni VP sa senado na kitang-kita naman natin na sadyang napakahigpit ng competition ngayon?

Kung sakaling hindi magwagi ang anak sa senado, isang manipestasyon ito na maaari ring hindi manalo ang ama sa susunod nitong laban.

Nangangahulugan din ito na hindi na umaasa lamang sa survey ang taong bayan sa pagpili at pagboto sa nararapat na kandidato kundi sa kung ano nga ba ang mga nagawa nito.

Ano na nga ba ang nangyari sa mga nademolish na maralitang taga-Makati sa Guatemala na tumanggi sa tatlong alok ng lokal na pamahalaan nito upang lisanin ang loteng tatayuan lamang ng barangay multi-purpose hall at isang covered basketball court?

Ang naturang lungsod ang pinanggalingan ng ating mahal na VP na siya ring pinamumunuan ngayon ng kanyang anak.

Ayon sa ilang report, ang tatlong alok ng lokal na pamahalaan ng Makati na pagpipilian ng mga pamilyang nademolish ay ang relocation sa Calauan, Laguna, financial assistance ng P24,240 at libreng balik-probinsiya package.

Ayon sa mga residente, walang mapagkukuhanan ng ikabubuhay sa nabanggit na relocation site, samantala, hanggang saan nga ba ang mararating ng perang kasama sa pagpipilian?

At alam naman nating kaya umalis ng probinsiya ang ilan nating kababayan ay dahil  hikahos  ito sa pinagmulang lugar kaya sinubukan ang kapalaran sa ibang lugar.

Bilang Chairman  ng Housing and Urban Deve-lopment Coordinating Council (HUDCC), wala bang magagawa para dito si VP?

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply