32 senatoriables, pinal na – Comelec

NGAYONG linggong ito ay inaasahang ilalabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang listahan ng mga senatoriables na papayagan nilang tumakbo para sa 2013 senatorial race.

Sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr. na 32 lamang na aspiring candidates ang kanilang papayagang lumahok sa halalan.

Gayunman, ngayong linggo pa lamang na ito nila mailalabas ang resolusyon para sa pag-apruba sa kandidatura sa pagka-senador ng lima pang kandidato, na idadagdag nila sa naunang 27 senatoriables na pinayagang lumahok sa halalan.

Ayon kay Brillantes, kabilang sa limang papayagang makatakbo sina Atty. Samson Alcantara ng Social Justice Society at Ricardo Penson, na pangulo at chief executive officer ng Ausphil Tollways Corp. at ang mga kandidato ng bagong political party na Democratic Party na sina Greco Antonious Beda Belgica, anak ni dating Konsehal Grepor Belgica ng Maynila; Baldomero Falcone, at Christian Señeres, anak ni dating ambassador Roy Señeres.

Matatandaang 27 senatoriables na ang unang pinayagang kumandidato ng Comelec, kabilang na sina John Carlos de los Reyes, Marwil Llasos, at Rizalito David ng Ang Kapatiran Party;  Teodoro Casiño ng Makabayan; at independent candidates na sina Edward Hagedorn, at Ramon Montaño.

Kasama rin ang mga kandidato ng Liberal Party coalition na sina Juan Edgardo Angara (Laban); Paolo Benigno Aquino IV, Maria Ana Consuelo Madrigal, att Ramon Magsaysay Jr. (Liberal Party (LP); Alan Peter Cayetano, Antonio Trillanes IV; Cynthia Villar (Nacionalista Party) at Risa Hontiveros (Akbayan).

Binigyan na rin ng ‘go signal’ ng Comelec para kumandidato ang mga kandidato ng United Nationalist Alliance (UNA) na sina Maria Lourdes Binay, Margarita Cojuangco, Joseph Victor Ejercito, Richard Gordon, Gregorio Honasan, Ernesto Maceda, Maria Milagros Esperanza Magsaysay, Juan Miguel Zubiri (UNA); at Juan Ponce Enrile Jr. of Nationalist People’s Coalition (NPC).

Aprubado rin ang kandidatura ng mga common candidates na sina Sen. Loren Legarda (NPC), at independent candidates na sina Sen. Francis Joseph Escudero at Maria Grace Llamanzares.

Maging ang kandidatura ng re-electionist na sa ilalim ng PDP-Laban na si Sen. Aquilino Martin Pimentel III.

Nilinaw naman ni Brillantes na ang nasabing 32 senatorial bets ay pinal na at hindi na madaragdagan pa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply