4 na magsasaka wagi sa Gawad Saka

BATAY sa kasaysayan ng Region 12 sa pagsali sa taunang Gawad Saka ng Department of Agriculture, ngayon lang nagkaroon ng apat na nagwagi mula sa ibat ibang kategorya ang rehiyon.

Ayon sa Special Order bilang 652 na inilabas ng kagawaran, hinirang na Outstanding Sugarcane Farmer si G. Jaime Sillador ng Brgy. Kibudtungan, Carmen sa North Cotabato.

Samantala, pinangalanang Outstanding High Value Crops Farmer si G. Gregorio Saljay III ng Presbitero, Pigcawayan.

Panalo rin si G. Vicente Doletin ng Brgy. Kiwanan, Midsayap bilang Outstanding Small Animal Raiser.

Pang-apat na ipinagmamalaki ng rehiyon si G. Alberto Panghulan ng Brgy. Sagasa, Esperanza sa Sultan Kudarat bilang Outstanding Coconut Farmer.

Bilang papremyo, tatanggap ang mga national winners ng halagang P150, 000 kalakip ay isang presidential trophy at citation.

Inaasahang gaganapin ang pagpaparangal sa mga katangi-tanging mga magsasaka at mga mangingisda ngayong buwan sa Palasyo.

Ayon kay DA 12 Regional Executive Director Amalia Jayag-Datukan, ito ang kauna-unahang pagkakataon para sa Rehiyon Dose na magkaroon ng apat na panalo sa national level mula sa Gawad Saka.

Kung kaya, taos-puso nitong binati ang mga nagsipagwagi at pinayuhan ang mga hindi masyadong pinalad na muling sumali sa susunod na taon.

Sa kabuuang bilang na 25 kategorya, apat ang nasungkit ng rehiyon na sinundan ng Regions II, XI at V, na may tigta-tatlong panalo.

Ang Gawad Saka ay isang taunang pagpaparangal sa mga natatanging magsasaka, mangingisda at mga grupo na malaki ang naging kontribusyon sa pagpapalago ng sektor ng agrikultura sa bansa.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply