4 na sparring round inumpisahan ni Pacquiao

NAKIPAG-SPAR na si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao kay Filipino lightweight Rocky Marcial sa General Santos City Sports Complex, kahapon.

Sa apat na light sparring rounds, nag-upakan sina boxing superstar Pacquiao at Marcial bilang paghahanda ng una sa kanilang ikaapat na paghaharap ni Juan Manuel Marquez.

Isang buwang pagpapakondisyon ang inuna ng 33-anyos na si Sarangani Congressman Pacquiao kung saan ay puro jogging, punch­mitts at speedball kasama si Filipino assistant trainer Buboy Fernandez.

Nakatakdang magtungo sina Pacquiao at Fernandez sa United States sa Sabado para sa kanilang training camp ni chief trainer Freddie Roach sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.

Dapat ay noong Oktubre 13 pa sana nakaalis si Pacquiao patungong US, ngunit ipinagpaliban ito.

Magtatagpo sina Pacquiao at Marquez sa pang apat na pagkakataon sa Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Maglalaban sina Pacquiao (54-4-2, 38 knockouts) at Marquez (54-6-1, 39 KOs) sa catchweight na 147 pounds at sa isang non-title, welterweight bout.

Tatlong beses nang nagharap sina Pacquiao at Marquez sa lona kung saan ay nauwi sa controversial draw ang una nilang pagkikita at sa pangalawa at pangatlong laban nila ay hindi naman matanggap ni Marquez ang pagkatalo nito sa Pambansang Kamao.

Samantala, kasama sa mga pinaghahandaan ng team Pacquiao ang posibleng panggugulang ni Marquez na ilang beses ng ginawa sa Pambansang Kamao.

Ilang beses sinadyang tapakan ni Marquez ang paa ni Pacquiao para maikonekta ang kanyang counter-punch.

Sa Wild Card Gym muling makaka-spar ni Pacquiao sina Ray Beltran na isang counter-puncher tulad ni Marquez at Russian boxer Ruslan Provodnikov.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply