50M target na registrants naabot ng Comelec

DINAGSA ng mga botante na nais na magpatala para sa May 2013 midterm elections ang mga tanggapan ng Commission on Elections (Comelec), sa huling araw ng voters’ registration ngayon.

Kaugnay nito, naniniwala si Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr. na naabot at posibleng nalampasan pa nila ang kanilang target na makapagtala ng 50 milyong botante para sa halalan sa susunod na taon.

Ayon kay Brillantes, dalawang linggo pa bago ang deadline ay mahigit 48 milyong registrants na ang kanilang naitala.

At ngayon aniyang dumagsa ang mga nagpapatala sa mga huling araw ng rehistrasyon ay tiyak na naabot na nila at maaaring nalampasan pa ang kanilang 50 milyon na target.

“May target kami, it’s about 50 million. As of two weeks ago, it has already reached 48 million plus… Maabot po namin at mukhang lalampas pa nga,” ani Brillantes.

Nilinaw naman ni Brillantes na sakaling lumampas sa 50 milyon ang mga registered voters ay ii-screen at ie-evaluate ang listahan ng Election Registration Board.

“Pero kung lumampas man after the deadline today (Oktubre 31), by November 15 dadaan pa ito sa proseso ng election board. Magtatanggal pa ho kami. Magtatanggal, itong mga new registrant, mga applications lang ho ito. These are all applications lang, it’s not the registration itself,” paliwanag ni Brillantes.

Inaasahang sa Disyembre ay mailalabas na ng Comelec ang pinal na listahan ng mga botante habang sa Enero naman ay sisimulan na nila ang configuration ng mga balota para sa halalan.

Muli ring nanindigan ang poll chief na hindi na sila mag-e-extend pa ng voters’ registration, na nagtagal hanggang 5:00 lamang ng hapon nitong Miyerkules.

“Hindi na ho kami mag-e-extend. Ang qualification lang ho namin is this: tingnan natin kung gaano karami, kung ilan ang hindi makaka-register. Hindi na ho namin tatanggapin ‘yan,” aniya pa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply