6 hijackers todas sa shootout sa Cavite

CAVITE – Anim ang kumpirmadong patay kabilang ang tatlong pulis na itinuturong mastermind ng mga hijacker sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng Dasmariñas City Police sa Barangay San Agustin 3, Dasmariñas City, kaninang madaling-araw.

Kinilala ni Police Supt. Ulysses Cruz, hepe ng pulisya sa lungsod na ito ang mga napatay na sina PO2 Robert Sison Santos, 36, ng Tondo Manila, MPD Police at nakatalaga sa Pandacan Manila bilang desk officer at na-AWOL lamang nitong Abril 20, kasalukuyang taon; PO1 Jonjie Jun Liangco, 28, ng San Miguel Manila, nakatalaga sa 3rd Coy RPSB NCRPO; PO3 Jessie Villanueva, ng Puting Bato Batangas City at nakatalaga sa Sta. Mesa Manila Precinct 8.; isang alyas Kenneth at dalawang hindi pa nakikilala.

Sa  ipinadalang report ni Police Supt. Cruz kay Cavite Provincial Director S/Supt. John Cresencio Bulalacao,  alas 2:00 ng madaling-araw nang maganap ang engkuwentro sa pagitan ng grupo ng hijackers at Dasmariñas PNP.

Nauna rito, isang confidential agent ang nag-report sa pulisya na namataan ang isang maroon na Mitsubishi Adventure na walang plaka at isang puting closed van na may plate number na ULY 963 ang dumating at nag-park sa tapat ng hideout ng grupo sa Greenbreeze Subd., Brgy. Langkaan 2 at mabilisang nagkakarga ng mga Magnolia products .

Upang makumpirma ang report ay agad na nagtungo ang mga kapulisan ng Dasmariñas PNP sa pangunguna ni Supt. Cruz at Intel Operatives sa lugar subalit papalapit pa lamang ang grupo ay namataan agad sila ng mga lookout ng mga salarin kung kaya mabilis na nakatakbo ang mga ito sakay ng mga nasabing sasakyan.

Hindi naman nagpabaya ang pulisya na agad hinabol ang mga suspek at dito na nagkaroon ng habulan at makalipas ang may ilang minuto ay nagkaroon ng palitan ng putok ng mga armas na ikinamatay ng anim na suspek.

Nabatid na Oktubre 2 nang ma-hijack ng grupo ang Magnolia products lulan ng isang Isuzu aluminum van (RCT 827) na naglalaman ng mahigit P1.9 milyon produkto.

Lumalabas na modus operandi ng grupo ang harangin ang mga delivery truck o container van na alam nilang kargado ng mga produkto at kunwari ay tatanungin kung may mga kaukulang dokumento bago magdeklara ng hijack na pawang mga pulis ang mastermind.

Agad namang nasakote ang lima pang kasama ng grupo na nagsilbing kargador ng mga dokumento at caretaker ng mga produktong kanilang naha-hijack sa safehouse na ginawa nilang bodega at taguan ng mga na-hijack na produkto habang kasalukuyan ngayong nakakulong ang 5 suspek sa Dasmariñas City detention cell.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 1 k-9 submachine pistol ; 1 9mm glock pistol; 2 cal 38 revolver ; 1 9mm berreta na kulay silver; 1 cal 45 at mga assorted spent shells na mga armas ng mga suspek sa ginagawang operation sa Cavite at posibleng sa mga karatig bayan at lalawigan pa.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply