6/42 lotto jackpot iniuwi ng 40-anyos kasambahay

NAIUWI na kahapon ng 40-anyos na kasambahay ang mahigit P25 milyon na kalahati ng kabuuang jackpot prize na P51,241,667.40 ng 6/42 lotto na binola noong Setyembre 29 sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Pasay City.

Kasama ang mapalad na lotto winner mula sa Paete, Laguna ang kanyang employer nang tanggapin kay PCSO General Manager Jose Ferdinand Rojas II ang tsekeng nagkakahalaga ng P25,620,833.70 na naging kapalit ng itinayang P20 sa kombinasyong 21-15-10-04-23-09 na kinuha mula sa petsa ng kapanganakan ng kanyang limang anak at asawa.

Ayon kay Rojas, Grade I lang ang naabot na pag-aaral ng lotto winner at maging ng kanyang asawa na nagtatrabaho rin bilang house helper.

Hindi rin natustusan ng mag-asawa ang pag-aaral ng lima nilang anak dahil sa kawalan ng sapat na salapi.

Sinabi pa ng mapalad na nagwagi na sa tuwing tataya siya sa lotto ay inilalagay niya sa bibliya ang tiket at taimtim na dinadasalan. Idedeposito muna ng bagong milyonarya ang napanalunang salapi sa bangko habang binabalangkas nilang mag-asawa ang plano kung papaano ito pagyayamanin.

Magugunita na una nang kinubra ng retiradong kawani ng pamahalaan mula sa San Andres, Manila ang kalahati ng premyo noong Oktubre 2.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply