9344

ISANG kontrobersyal na panukala ang kasalukuyang nakasalang ngayon sa Senado.

Ang panukala na amyendahan ang Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

Hindi ko pa nababasa ang kabuuan ng batas na ito, pati na rin ang isinusulong na amyenda rito pero dahil ika-20 taon ngayong buwan ng Oktubre ng National Children’s month ay napag-uusapan na naman ang 9344.

Noong isang linggo, pinirmahan ni Presidente Aquino ang proclamation no. 489 na nag-uutos na gawing Juvenile Justice and Welfare Consciousness Week ang tuwing ika-apat na linggo ng Oktubre.

Sinabi kong kontrobersyal, dahil ang R.A. 9344 ay ang batas na tumutukoy sa pangangalaga at pagtutuwid sa mga batang tinaguriang “children in conflict with the law” o CICL.

Ang sabi ng mga gustong amyendahan ang batas, dapat daw ay ibaba mula 15 years old at gawing 12 years old ang mga batang pwede nang makulong kapag kinasuhan sa isang krimen.

Sa kasalukuyan kasing batas, kapag 15 years old ang isang akusado ay hindi ito madadala sa isang kulungan kung saan kasama ang mga matatandang kriminal.

Kapag bata kasi ay sa children’s home at mga insitusyon ng dswd muna dadalhin para maiayos at maituwid ang mga bata.

Sabi naman ng mga tutol sa pag amyenda, ayon daw sa pag-aaral at ayon sa kagawian sa ibang bansa, ang 15 years old daw lalo sa mahihirap na bansa ay walang emosyonal at intelektwal na kakayahan na maiayos ang kaniyang sarili kaya kailangan pa ang tulong ng pamahalaan.

Kontrobersyal ang isyu dahil marami sa atin, lalo na ang mga biktima ng CICL, ay gusto na agad namakulong ang bata naliligaw ng landas.

Pero ayon naman sa mga nagpaptupad ng 9344, hindi sagot sa kriminalidad ang pagkulong sa mga bata sa ordinaryong kulungan kung saan natututo pa sila na gumawa ng mas mataas na antas ng krimen.

Iba raw ang paraan at siyentipikong pagsasaayos sa mga batang naliligaw ng landas at hindi ang ordinaryong gawi ng pagkulong sa kanila sa mga city jail.

Karamihan ng mga CICL ay mahihirap at ang iba ay lumaki sa kapaligiran na puno ng karahasan at kawalang pag-asa, mas kumplikado ang paraan nang pagtutuwid sa kanila.

Giit ng mga taga Juvenile Justice and Welfare Council, may pag-asa pa para mabago ang mga CICL. Oo raw at kailangan na panagutan nila ang kanilang mga pagkakamaling nagawa pero may kaakibat na programa para maituwid sila at magkaroon ng pagkakataon na maiayos ang kanilang kinabukasan.

Ito raw ang pakay ng R.A 9344 na ayon sa kanila ay hindi pa lubos na naipatutupad kaya hindi pa dapat amyendahan.

Email me at ariel.inton@gmail.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply