Abp. Tagle, nabiktima ng misinformation ng social media

MAGING si Manila Archbishop Luis Antonio Tagle ay nabiktima ng ‘misinformation’ gamit ang social media.

Ito’y matapos na kumalat sa internet ang isang pahayag na ginamit ang pangalan ni Tagle upang palitawin na pumapabor ito sa kontrobersiyal na Anti-Cyber Crime law, na mariin namang tinututulan ng iba’t ibang sektor.

Mariin namang pinabulaanan ng Manila Archdiocese na si Tagle ang nagpalabas ng naturang pahayag.

Ayon kay Manila Archdiocese communications director Peachy Yamsuan, walang Facebook account si Tagle at hindi pa naglalabas ang arsobispo ng official statement hinggil sa naturang batas.

Nabatid na kasabay nang pagiging epektibo ng Cybercrime Prevention Act nitong Miyerkules, na-post ang naturang statement na gumamit sa pangalan ni Tagle dakong 6:00 ng gabi gamit ang FB account na ‘Archbishop Luis Antonio Gokim Tagle, D.D., STD’ at nagsabing pabor ito sa naturang batas.

“Please be informed that Manila Archbishop Luis Antonio Tagle does not have an FB account,” ani Yamsuan.

“He has a fan page administered by JesCom (Jesuit Communications). (But) he has not issued any official statement on the cyber crime law,” ani Yamsuan, sa text message na ipinadala nito sa mga miyembro ng media.

Nabatid na ang official Facebook fan page ng arsobispo, na mayroon ng 103,000 “likes”, ay “Bishop Luis Antonio G. Tagle” at maaari ma-access sa pamamagitan ng www.facebook.com/ArchbishopTagle.

Ang mga official statements naman ng arsobispo ay nakapaskil sa website ng Manila archdiocese na www.rcam.org .

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply