Abusadong negosyante, binalaan ng Malakanyang

BILANG na ang araw ng mga negosyanteng abusado na nagbebenta ng mababang uri ng produkto at serbisyo sa isang Juan at Maria dela Cruz.

Ito’y matapos na manawagan si Pangulong Benigno Aquino III sa publiko na agad na magsumbong sa consumer welfare desks kapag nakatapat ng isang abusadong negosyante upang agad na maaksyunan ang reklamo.

Tinatayang may mahigit 3,000 consumer welfare desks ang nakaposte ngayon sa mga palengke, mall, grocery, at supermarket.

Sa katunayan, aniya, ay may kabuuang 81,962 na ang reklamong natanggap ng mga ito mula Enero 2011, hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan, 70,941 o mahigit 95% ay naresolba sa loob lamang ng pitong araw.

“Uulitin ko lang po: 95 percent ng hinaing, nabibigyan ng solusyon nang hindi lumalampas ng isang linggo. Iyan po ang tinatawag nating mabilis at epektibong pangangalaga sa kapakanan at interes ng mga konsyumer sa tuwid na daan,” ani Pangulong Aquino.

Kaya nga, lalo pang mahigpit na ipatutupad ang  Consumer Welfare Act.

Partikular na tinukoy ng Punong Ehekutibo ang pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin at timbangan sa mga palengke.

Ayon kay Pangulong Aquino, maging ang mga namumuhunan ay ramdam din ang pagganda ng mga produktong gawa at ibinebenta sa bansa.

“Pinaigting pa natin ang pagbabantay sa presyo ng mga bilihin. Dahil din sa pakikipagtulungan ng DTI sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng DOH, DOE, at ng DA, regular nating naisasapubliko at nailalathala sa internet ang ating lingguhang price monitoring,” ani Pangulong Aquino.

Kasabay nito, ipinagmalaki ng Pangulo ang mga napaparusahang umabuso sa kanilang negosyo at nagsamantala sa mga consumers.

Binigyang diin pa rin nito na patuloy ang kanilang gagawing pagtugis sa mga tiwaling negosyante bilang bahagi ng tinatawag na pangangalaga sa interes ng mga mamimili sa tuwid na daan.

“Ngayon, kung sakaling may negosyanteng umabuso talaga namang mababang uri ng produkto o serbisyo ang natanggap ni Pedro, maaari na itong i-report sa pinakamalapit na consumer welfare desks sa inyong lugar para agad na maaksyunan,” ani Pangulong Aquino.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply