Abusadong telcos

PANUNTUNAN ko na huwag gamitin ang kolum kong ito para ipaabot sa kinauukulan ang mga personal kong hinaing o ‘di kaya naman ay ang reklamo ng aking pamilya at mga kaibigan. Pero sa pagkakataong ito ay babaliin ko muna ang prinsipyong ito para sumulat ng isang isyu na medyo personal.

Sobrang abusado na kasi ang ilang mga telecommunications companies na nag-o-operate dito sa bansa at tila wala na silang kinatatakutan at magagawa nila kahit ano para pagsamantalahan lang ang mga subscriber nila. Ang kapalit kasi ng mga pagsasamantalang ito ay milyon-milyong pisong halaga ng kita para sa mga telcos na ito na gaya ng Globe, Smart, PLDT at iba pa .

Hindi na bago sa atin ang marinig ang reklamo ng mga mobile user na hindi pa nga nila nagagamit ang ni-load nila ay magugulat sila dahil ubos na ito agad at mukhang kinain na ng hindi nakikitang monster ang kanilang load.

Kahit nga ang National Telecommunications Commission (NTC) ay wala ring magawa dahil sa dami na ng inutos nila sa mga telcos na pabor sa mga consumer ay wala man lang kahit isang sinunod ang mga ito.

Gaya na lang halimbawa ng pagbabawas sa bayad sa text mula sa piso papunta sa 80 centavos. Sa awa ng Diyos hindi pa rin iyan ipinatutupad ng mga telco hanggang ngayon at wala rin namang magawa at hindi naman maparusahan ang mga kompanya dahil nga inutil talaga ang NTC.

Ang masakit nito, sa bawat araw na lumilipas na hindi ito ipinatutupad ay milyon-milyong halaga ng load ang nawawala naman sa mga customer na gaya natin.

Ang pinakabagong raket naman ng mga telco na ito gaya ng Globe ay ginagawa nila sa mga post paid customer nila na gaya ko. Halos isang taon na rin akong Globe post paid subscriber pero kamakailan ay nagulat ako dahil sobrang laki ang natanggap kong bill kaysa sa dati kong binabayaran at pinasok na kontrata.

Nang tanungin ko sila kung bakit ganoon kalaki ang billing ko ay sinabi nila na nag-upgrade daw ako ng subscription ilang buwan na ang nakararaan at dahil hindi nila naisama ang bagong mas mataas na rate sa previous biling ko ay ngayon nila ako sinisingil. Muntik na akong mahulog sa upuan dahil sa totoo lang ay hindi naman ako nag request ng upgrade ng plan pero heto at sinisingil nila ako sa isang bagay na wala naman akong kinalaman at pahintulot.
Naisip ko tuloy na kung ginawa nila sa akin ito, ilang milyon pa kayang kagaya ko ang nadenggoy na nila at siyempre milyon-milyon din ang kinita nila mula doon.

Hindi rin nagkakalayo ang sitwasyon ko na iyan sa nangyari naman sa PLDT landline namin. Sa pinakahuling billing namin ay nagulat din ako dahil may enclosure na additional billing para raw sa mobile landline namin.

Bad trip din ako dahil mahigit ng dalawang taon simula nang i-avail namin ang promo ng mobile land line na iyon na kasama sa package para sa aming DSL at house landline.

Sa totoo lang ay sa mababang rate namin iyon nakuha dahil nag-avail kami ng introductory promo nila.

Pero wala kaming kamalay-malay na after two years ay hindi na nila bibigyang halaga ang kontrata na iyon. Nang tanungin ko kung bakit after two years ay bigla silang naniningil kasama ang back charges ay sinabi ng PLDT na nagkamali lang sila ng billing .

Kaya ngayon lang sila maniningil at kailangan ko nang magbayad ng previous charges na hindi naisama sa mga dati kong billing.

Anak naman ng jueteng na buhay ito! Dapat naman sana ay may tamang panuntunan ang NTC at isang tanggapan ang gobyerno para kung sakali at may reklamo ang mga subscriber laban sa mga hinayupak na mapagsamantalang telco na ito ay may puwede silang puntahan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply