ADB robbery kumpirmadong inside job

KINUMPIRMA na ng awtoridad na isang “inside job” ang naganap na panloloob ng hinihinalang mga miyembro ng Acetylene Gang sa sangay ng Asian Development Bank (ADB) sa Muntinlupa City.

Batay sa sa inisyal na imbestigasyon ng Muntinlupa City Police, sinabi ni P/Sr. Supt. Conrad Capa, na lahat ng indikasyon ay tumutukoy na may naganap na sabwatan sa naturang pagnanakaw sa ADB Muntinlupa Branch na pinaniniwalaang naganap sa pagitan ng Oktubre 26 hanggang Oktubre 29.

Sinabi ni Capa na kasalukuyang isinasailalim sa imbestigasyon ang dalawang guwardiya na nakatalaga sa naturang bangko na dapat ay nag-iikot sa bisinidad nang maganap ang nakawan habang iniimbestigahan na rin ng kanilang technical experts ang cellular phones ng mga guwardiya at ng accountant ng bangko.

Tatlong bagay ang kanilang natuklasan sa inisyal na imbestigasyon.

Una, hindi maaaring maidaan ang nawawalang CPU unit ng computer na naglalaman ng video logs ng “closed circuit television cameras” sa sinirang bintana.  Kaya may posibilidad na inilabas ito sa pintuan ng sinuman na may hawak ng susi ng pintuan.

Ikalawa ay ang marka ng pagputol sa rehas ng bintana ay ginawa sa loob mismo ng bangko at hindi sa labas at ikatlo, nagawa pang kumain ng mga salarin sa loob ng bangko tanda na hindi nagmamadali ang mga ito.

Patuloy pa rin naman ngayon na nagsasagawa ng imbentaryo ang pamunuan ng ADB sa mga nawalang pera at iba pang dokumento sa bangko habang nagpahayag na ibibigay nila ang kanilang kooperasyon sa isinasagawang imbestigasyon.

Nanawagan din ang ADB sa kanilang mga depositor na huwag mag-alala dahi sa hindi masisira ng naturang insidente ang integridad ng kanilang mga deposito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply