Administrative Order 31 at kawawang bayan

MAY bagong kautusan mula sa Malakanyang na nag-aatas sa lahat ng mga pambansang ahensiya ng pamahalaan na magtaas ng kanilang mga singilin sa mamamayan na may transaksyon sa kanila.

Ayon sa kautusang Administrative Order 31, kailangang gawin umano ito para hindi masairan ang pambansang pamahalaan ng pondo sa pagbibigay ng badyet sa mga ahensiya ng pamahalaan.

MABUHAY SA SARILING KITA

Sa ibang salita, kailangan na kumita ang mga ahensiya at kung maaari ay manggagaling na sa kanilang sariling kita ang gagastusin nila.

Isa pa, ito umano ang paraan para higit na makapagbibigay ng magandang serbisyo sa mamamayan ang mga ahensiya. Kasama sa mga itataas umano ang mga multa sa mga lumalabag sa mga batas at patakaran.

Pero sa pagtataas ng mga bayarin, kailangan umanong makatarungan at kaya ng mamamayan ang mga bayarin.

MALAPIT NANG PAIRALIN

Kapag nabuo na umano ang mga patakaran sa mga usaping ito, malamang na ipatutupad ang mga ito.

As usual ‘yan, mga Bro, sa gobyerno. Mabilis pa sa alas-kuwatro ito kung kumilos kung pagkakaperahan ang pinag-uusapan.

SAMPOL NG LTO, LTFRB, DOTC

Gaano ba kalaki talaga ang mga bayarin na ito?

Wala pang nakatitiyak pero subukan nating silipin ang pinaggagawa ng Department of Transportation and Comunications, Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Itong LTO, mga Bro, ay mayroon nang sariling pagtataas ng mga bayarin sa mga serbisyo nito, pati pagmumulta.

Sa reklamo ng PISTON na samahan ng mga operator at driver ng jeepney, sobrang taas umano ang pagtataas ng mga singilin ng LTO sa kanila.

Halimbawa sa kolorum. Dati-rati umano, nasa P1,500 ang multa pero ngayon ay P6,000 na. Sa out of line naman, P6,000 din at kung hindi ka nakapagbayad sa loob ng 72 oras, may dagdag na P1,500.

Ang nahuhuli namang tsuper na tsinelas lang ang suot, P1,000 ang multa at kung expired ang lisensiya niya, P1,500 ang multa.

Kapag peke naman ang lisensiya, P2,000 at kung nagamit umano ang jeepney sa paggawa ng krimen, P3,000 naman ang multa.

Kapag napatunayan sa drug test na nagmamaneho ang tsuper na kargado siya ng droga, P10,000 ang multa at kung nakainom o lasing siya, P5,000 naman.

Kaugnay nito, ang dating multa sa paggamit ng iligal na sirena, kampana at pumipitong tambutso ay itinaas sa P1,500 mula sa P150 at itinaas ang multa sa paglabag sa number coding mula sa P450 sa P500.

TAMA LANG

May ginawa ang LTO na sa tingin natin ay tama lang.

Halimbawa ang pagmamaneho nang nakadroga o nakainom o lasing.

Disgrasya, kamatayan at kasiraan talaga ang aabutin mo sa lashing sa droga o alak na tsuper.

Ang mga nangongolorum ay talaga namang dapat ding disiplinahin. Dapat ding maparusahan ng mabigat ang mga gumagamit ng mga pekeng lisensiya.

MABIGAT NA MABIGAT

Pero maituturing naman, mga Bro, na sobra ang multang P1,000 sa tsuper na nakatsinelas. May problema rin sa out of line na ‘yan.

Sa bigat ng trapik, halimbawa sa Metro Manila, lalo na kung umuulan at bumabaha o may nagbabanggaan o nadidisgrasya ka na mga sasakyan o kung may mga sunog sa mga ruta ng mga sasakyan o kung may mga isinasarang kalsada sa piyesta o lamay o shooting ng pelikula at iba pang mga da-hilan, napipilitang mag-out of line ang mga tsuper.

Pero itong mga hinayupak ng mga taga-LTO, pulis at traffic enforcer, sa halip na tumulong sa paghahanap ng mga daan para sa publiko, doon sila pumupuwesto sa mga dibersyon ng mga pampasaherong sasakyan saka sila manghuhuli at yayari ng mga napakamahal na multa.

‘Yang pumipito namang tambutso, kailangan ba na P1,500 ang multa?

MATINDI ANG AO 31

Taong 2008 nang pairalin ng LTO ang pagtataas ng fines and penalties ngunit nagsimula ang ahensiya na magpatupad nito noong 2009.

Ang pagtataas ng fines and penalties ang nilalaman ng Department of Transportation and Communications Department Order 2008-39 at pinangalanan itong ‘Revised Schedule of LTO Fines and Penalties for Traffic and Administrative Violations.’

Ngayong may AO 31, hindi kaya lalong magwala ang DOTC, LTO at LTFRB? Paano naman ipatutupad ng ibang mga ahensiya ang AO 31?

Lahat ng departamento ng gobyerno na kagaya ng DOTC at Department of Justice, kabilang na ang mga government owned corporation at government financial institutions gaya ng mga bangko, Social Security System at Go-vernment Service Insurance System ay sakop ng AO 31.

Kasama na rin dito, siyempre ang Housing and Land Use Regulatory Board, Energy Regulatory Board, National Statistics Office, Local Water Utilities Administration, National Irrigation Administration, Philhealth, National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at iba pa.

Paano isasakatuparan ng mga pambansang ahensiya ang AO 31?

DOTC, LTO, LTFRB GAGAYAHIN

Gagayahin ba ng lahat ng mga ahensiya ang pinaggagawa ng DOTC, LTO, LTFRB? Kung ganito ang mangyayari, tiyak namang magkakaloko-loko ang buhay ng mga Boss ni Pangulo.

Magiging kawawa ang mamamayan. Abangan!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply