Agos at lupit ng tadhana

MARAMI ang nabago sa anyo ng pulitika sa Caloocan matapos umurong si Vice Mayor Egay Erice sa pagka-alkalde ng lungsod sa darating na May 2013 election.

Nagparaya si Erice sa kagustuhan ni Pangulong Noynoy Aquino na tumakbo na lamang itong kongresista sa pangalawang distrito ng Caloocan. Ang natanggap nating ulat, eh, masakit sa kanyang loob na lisanin ang pangarap na maging Caloocan mayor, ngunit tinanggap na niya ito sa ikabubuti ng Liberal Party.

At sa kanyang pag-urong sa mayoralty race, naiwan  na maglalaban sina Liga President RJ Echiverri at Cong. Oca Malapitan.

Kung kanino kina RJ at Oca susuporta ang mga tagatangkilik ni Egay, sa survey, tila, nakaturo kay  Cong. Malapitan ng unang distrito.

Sa mga umpukan at huntaan,  walang negatibong pahayag kay Malapitan, bagkus matatamis na  kuwento ang sa kanya’y tema ng usapan. Kabaligtaran ito sa maaanghang na salita laban kay Coun. RJ na ang ama’y si Mayor Recom na nagsilbi ng tatlong termino bilang Ama ng Caloocan.

Hindi ko tuloy maalis ikumpara ang mga nakaraang administrayon ng lungsod na matapos ang mahabang tatlong termino ay nalalaos ang mga mayor. Ang mga mayor na sina Boy Asistio at Rey Malonzo, matapos maglingkod ng tatlong temrmino ay  tila baga pinagsawaan ng mga taga-Caloocan.

Maraming beses na nagtangkang bumalik sina dating  Mayor Asistio at Mayor Malonzo sa poder, subalit sila’y ‘di nagtagumpay.

Sa  agos ng mga nangyayari kung pagbabasehan ang tema ng kuwentuhan sa umpukan at huntaan ng mga taga-Caloocan, pumapabor ito kay Malapitan. Ito kaya’y senyales na muling mangyayari ang ‘di inaasahang sinapit nina ex-Mayor Asistio at Mayor Malonzo.

Sabagay, malayo pa ang halalan. Maraming pagkakataon na malakas ang dating ng isang kandidato sa una, subalit banderang kapos sa huli. Ang aabatan natin ay kung anong estratehiya ang gagawin ng kampo ng mga Echiverri at Malapitan para masiguro ang kanilang panalo sa darating na election.

Dahil ‘di lang ang pagka-mayor ang nakataya sa dalawang pamilyang ito kundi pati ang kongresista ng 1st district na pag-lalabanan naman nina Mayor Recom Echiverri at  Coun. Along Malapitan na anak ni Cong. Malapitan. Kung sino sa dalawang nagbabanggang Echiverris at Malapitans ang magwawagi, malalaman natin yan sa darating na election.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply