Alak at sigarilyo pah!

ANG daming naaalala natin habang naggigiyera patani ang mga senador, kongresman at taga-Palasyo ukol sa alak at yosi.

Tuwing tag-araw, pag babaybayin mo ang haywey mula La Union hanggang Ilocos Norte, halos panay tabako ang makikita mong pananim ng mga magsasaka.

Pinapalitan ang mga tabako ng palay sa panahon naman ng tag-ulan.

Makakikita ka rin ng mga magtatabako sa Cagayan at Isabela. At sa Cordillera, marami ring nagtatanim ng tabako.

Malaki talagang kabuhayan ang pagtatabako.

oOo

Kung tag-ani naman ng tabako at palay, kitang-kita kung gaano kataas ang mga kahon ng serbesa sa mga gilid-gilid ng bahay ng mga magsasaka. Marami ring nagkalat na mga bote ng mga long nek, lapad at iba pa.

Marami ring nagkalat na kaha ng mga sigarilyo.

Sa mga sari-sari store, kasindami ng mga sitsirya, shampu at sabon ang dami ng mga sigarilyo at alak na paninda.

Ito’y kahit na may mga namamatay at nagpapatayan dahil sa alak at yosi. Kahit na may namamatay sa sakit mula sa alak at sigarilyo.

oOo

May napansin pa tayo, Suki. Maraming tabako at alak ang walang buwis.

Karaniwang walang buwis ang netib na tabako na itinatanim at inaani.

Ah yung mga lambanog, tuba at basi, karaniwan ding walang buwis.

Saka na lang bumibili ang mga tagabarangay ng mga gawang pabrika na alak at sigarlyo kung may okasyon gaya ng berdey at piyesta.

oOo

Habang may giyera patani ang mga nasa Kongreso at Palasyo, tatawa-tawa lang ang mga nagpapausok at nagnganganga ng netib na tabako.

Tatawa-tawa rin lang ang mga lumalaklak ng mga lambanog, tuba, basi at tapei na alak galing sa kanin.

Mahiwaga ang buhay sa  alak at yosi. Higit sa lahat, nag-aaway-away ang mga onorabol dito, lalo na ang mga umaasa ng pork barrel mula sa buwis sa bisyo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply