Ang susunod na bise presidente

TINUTUTUKAN ng marami sa ating mga kababayan ang debate sa pagitan ni Vice President Joe Biden at Congressman Paul Ryan. Sa ilan sa inyo na hindi pa nakikilala ang dalawang ito, si Joe ang nakaupong Vice President sa Amerika ngayon at si Congressman Paul Ryan ang hahamon sa kanya sa darating na halalan sa United States of America sa susu-nod na buwan ng Nobyembre.

Marami sa mga nanood ng debate noong nakaraang araw ay nagkomento tungkol dito. May nagsabi na iba talaga ang galing ng may karanasan kumpara sa baguhan. May nagsabi na halos mapaiyak ni Biden si Ryan, may nagsabi na sobrang kaba ni Ryan na hindi maawat ang pag-inom ng tubig, may nagsabi na napagsaman-talahan ng beteranong si Joe Biden ang bagitong si Paul Ryan sa deba-teng iyon.

Ang sabi ni Joe Biden, hindi raw kayang sagutin ni Ryan ang mga tanong sa debate at hindi raw nito naipaliwanag ng malinaw ang kanyang mga punto.

Sa mga nanood, hindi maiiwasan na humanga sa dalawang kandidato para pagka-Bise Presidente, ang taas ng antas ng kanilang kaalaman sa lahat ng isyu, ang tatag ng kumpiyansa sa sarili sa pag-sagot sa mga punto at naging kahanga-hanga ang inasal, nanatili ang pagka-propesyonal at na protektahan ang dignidad.

May nagsabi pa nga na tinulungan nga raw iangat ni Joe Biden ang reputasyon ni Barrack Obama, ang kandidato sa pagka-Presidente ni Joe para sa pangalawang termino. Hindi tuloy maiwasan ng ilan na mag-isip na sana ay gayundin ang debate rito sa atin at ang mga kandidato na pagpipilian sa darating nating eleksyon sa Mayo ay may kategorya rin katulad ng mga kandidato sa Amerika.  Pero hindi kasi binoboto sa Amerika ang isang Bise Presidente. Sa kanila, kung sino ang manalo sa pagka-Pangulo ay automatic na ang Bise-Presidente niya ang kasama niyang uupo sa pwesto.

Hindi kagaya sa atin na iba ang boto sa Pangulo at iba rin ang boto sa kanyang Bise-Presidente. Tulad noong panahon ni Cory, kung saan hindi niya kasundo ang kanyang Bise na si Doy Laurel, hindi maganda ang resulta. Maganda siguro kung iisang partido at magkakampi ang Presidente at Bise, mas matindi ang kooperasyon, mas magkakampihan.

Sa Amerika, kahit ano pa ang galing ni Joe at ni Ryan, ang panalo pa rin ng kanilang kandidato pagka-Presidente, si Barrack Obama at si Mitt Romney ang magdadala ng eleksyon para sa kanila at ang tanging pag-asa nila para makaupo sa White House. Pero dito sa atin, may nagsasabi na hindi maganda na magkakampi ang Presidente at Bise, wala daw check and balance. Ang masasabi ko dun, nasa tiwala lang naman ng tao. Mababa kasi ang tiwala ng mga Pilipino sa kanilang gobyerno kaya may mga isipin na kailangan di magkakampi ang Pangulo at Bise Presidente para may sisita. Kaya ang una sanang dapat gawin ng mga bagong pulitiko sa Pilipinas ay maibalik ang tiwala ng tao sa pamahalaan.

Email me at arie.inton@gmail.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply