Ani ng mga magsasaka sa Isulan, SK, tumaas

UMAKYAT na sa 4.2 metrikong tonelada kada ektarya ang naaani ng mga magsasaka sa bayan ng Isulan sa Sultan Kudarat dahil sa mga interbensiyon na ipinapaabot ng Department of Agriculture sa nasabing bayan.

Ito ang ipinahayag ni Isulan Mayor Diosdado Pallasigue kanina sa isinagawang launching ng Palayamanan Model Farm Projects ng DA 12 sa Brgy. Dansuli.

Ayon kay Pallasigue, mula 2.6 MT kada ektarya ay tumaas na ito sa 4.2 MT kada ektarya ang nakuhang ani ng mga magsasaka dahil sa mga ibinibigay na mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka sa pamamagitan ng mga technology demonstration ng AgriPinoy Palayan Program ng kagawaran at Location Specific Technology na pinangungunahan ng PhilRice.

Sa nasabing launching, ipinamalas ang Palayamanan project site ng farmer-cooperator na si G. Ruperto Gonzales bilang isa sa mga labing-walong benepisyaryo ng programa sa buong rehiyon.

Ang Palayamanan program, ayon kay DA 12 Regional Techno Demo Coordinator ay isang pamamaraan ng DA 12 sa pangunguna ni DA 12 Regional Executive Director Amalia Jayag-Datukan na mahikayat ang mga magsasaka na subukan ang tinatawag na diversified farming system.

Aniya, 100,000,00 ang ibinibigay na pondo ng kagawaran sa bawat Palayamanan site upang maisakatuparan ang programa.

Layunin ng Palayamanan Model Farm Project na mapataas ang kita ng mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t ibang uri ng sistemang pansakahan gaya ng palay production na sinusuportahan ng high value crops, vegetable at fruit-bearing tree production, livestock at poultry raising, inland fish production at biomass recycling o ang pagpo-prodyus ng organic fertilizer na maaaring pagkunan ng karagdagang kita.

Sa pamamagitan ng programa, masisigurong mayroong sapat at tuloy-tuloy na mapagkukunan ng pagkain at kita ang isang magsasaka kapag hindi magiging maganda ang ani mula sa palay bilang pangunahing produkto.

Layunin din ng proyekto na maibalik ang sustansiya sa lupa upang magkaroon ng sustainable ecological balance.

Mahigit tatlumpong mga maliliit na magsasaka ang dumalo sa nasabing launching at maaaring maging bahagi ng programa sa pamamagitan ng sistemang rule over scheme.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply