Anti-cybercrime law gagamitin sa panggigipit

ISA sa lumalabas na eksena sa pagpasa ng Cybercrime Prevention Act of 2012 ang halalang 2013.

Lalo na ang probisyon nito sa libelo bilang isang mabigat na krimen.

Napapanahon dahil magagamit ang batas na ito laban sa mga maglalabas o magbabalita ng kabulukan ng maraming politiko sa ha-lalang ito.

Magkakaroon ng takot sa paglalabas ng kabulukan ang mga concerned citizen ukol sa mga politiko.

Dahil sa pagkakulong ng matagal na panahon at daang libo hanggang milyon-milyon ang babayaran niyang mga multa at danyos.

Tingnan ninyo, simula ng alas-12:01 kagabi o ilang oras makaraan kong tipain ang kolum na ito, naging effective na ang batas.

Nasa isang araw makaraang magsimula ang filing of cerficates of candidacy ng mga kandidato sa halalang 2013.

WALANG TRO

Ang masama rito, hindi naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order laban sa batas.

Kaya naman, sinasabi na ng Department of Justice na paiiralin na nito ang anti-cybercrime law.

Ibig sabihin nito, puwedeng mag-block ang DOJ ng mga anomang pagbisita at pagkuha
ng impormasyon mula sa iba sa internet.

Sasabihin lang ng DOJ na labag sa batas ang nilalamang ng isang balita, opinion o litrato, hindi na yan makikita ng kahit sino.

Kasama siyempre sa blocking ang pag-iimbestiga sa kung sino ang nag-post ng labag sa batas at posibleng pagsasampa ng kaso rito.

Pero kapag nakalusot ang computer data o balita o impormasyon, sinasabing kasama sa mga mananagot ang nagla-like o nagsi-share gaya ng ginagawa sa facebook.

Magpapatuloy ang gawaing ito ng DOJ, kasama ang National Bureau of Investigation at
pulisya.

Titigil na lang ang DOJ, NBI at pulisya, mga Bro, kung mag-iisyu ang Hukuman ng TRO.

Ang tanong ngayon: mag-iisyu ba ito ng TRO?

ANG PROBLEMA

Sa darating na Martes kikilos ang mga Hukom.

Gusto yata ni CJ Maria Lourdes Serena na maraming Hukom ang mag-usap-usap muna bago sila maglabas ng anomang aksyon gaya ng TRO.

Ito’y sa gitna ng katotohanan na maaari namang mag-isyu ang kahit isang Hukom at kukunin na lang nito ang pagsang-ayon ng iba sa mga ibang araw.

Maaari rin naman nilang basta dedmahin ang mga petisyon na nakasalang sa Hukuman.

Nangyari na kasi ang pagdedma ng Hukuman sa isang hindi ko matandaang kuwestiyonableng batas sa katwirang hayaang magkaroon ng kaso muna.

Sa pagkakaroon ng kaso makikita kung labag nga sa batas at sa Konstitusyon ang isang batas, sabi nila.

HUKUMAN MAY KATWIRAN

May katwiran din ang Hukuman.

Sa kabilang banda, hindi kaya isang malaking kapabayaan ang ganyang estilo?

Sapagkat sa mismong mga salita o tadhana ng isang batas, malalaman na ng mga Hukom kung masama nga ang dating nito.

May tinatawag na preventive na hakbang.

Yun bang === pipigilin ang pagkakaroon ng mga biktima ng isang batas.

Sa palagay ba ng mga Hukom, eh, hindi masama ang makulong ng 6 taon at isang araw hanggang 12 taon at habambuhay na pagkakulong kung maraming count ang kaso na isasampa laban sa iyo.

Aantayin ba ng Hukuman na magkaroon ng daan-daan o libo-libong biktima ng anti-cybercrime law bago sila kumilos?

Ang tanong nga ng iba. eh, paano kung silang mga Hukom ang ibibilanggo sa paglabag sa isang batas?

Sapagkat maaaring maganap ito sa kanilang hanay.

Itong si ex-CJ Renato Corona ay nanganganib na maposasan sa umano’y mga pagkakamali sa pagsunod at hindi pagsunod sa batas.

At pagkakaroon ng hindi magandang desisyon lalo na ang paglalabas o hindi ng Statement of Assets and Liabilities sa kanyang dolyar na salapi.

POLITIKO ‘WAG TULARAN

Sana hindi tularan ng mga  Hukom ang gawa ng mga politiko.

Kung pabor sa mga politiko  ang isang batas, mabilis nilang ginagawa ito.

Masagasaan na ang masagasaan, gaya ng nagaganap sa anti-cybercrime law.

Kung ayaw naman nila ang isang batas, inaamag na iyon sa kanilang baul, ayaw pa nilang buksan.

Halimbawa rito ang panukalang Freedom of Information. Kasama na rin sa mga inaamag ang panukal para sa decriminalization ng libelo.

Pero nang dumating ang pagkakataon na mabigat ang parusa sa libelo, anak ng tokwa ipinasa nila ito sa panahon na hindi na nila maharap dahil sa halalan at pag-concentrate umano nila sa bubuuing batas para sa susunod na pambansang badyet.

Sana hindi ganito ang gawin ng mga Hukom sa anti-cybercrime law.

Sana maisipan nila na ordinaryong mamamayan at mediamen ang unang matatamaan dito at sana’y makita nila ang katotohanan na ang Hukuman ang pinakamatibay  na sandigan sa mga biktima ng mga batas na mapaniil at marahas.

MAG-ANTAY NG KASO

Kung sakaling mag-antay ang Hukuman ng isa o dalawang kaso bilang batayan ng kanilang pagpapasya, malamang na magkapatong-patong ang mga kaso sa sipag ng mga korap at abusado sa pamahalaan na magsampa ng kaso laban sa mediamen at mamamayan.

Nakikini-kinita natin ito dahil sa paglagablab ng halalan para sa 2013 at gamit ng mga politiko ang batas laban sa nakaaalam ng kanilang mga kabulukan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply