Anti-dynasty bill, tutukan- Obispo

UMAPELA ang isang retiradong Obispo sa susunod na Kongreso na tutukan ang pagkakaroon ng implementing legislation para sa anti-dynasty.

Ang panawagan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani ay kasunod nang patuloy na pamamayagpag ng mga political dynasty sa bansa partikular na ngayong darating na halalan sa taong 2013.

Ayon kay Bacani, bagamat nagkaroon ng batas hinggil sa dynasty na ito, wala namang implementing legislation hanggang sa ngayon kaya’t namamayani pa rin ang political dynasty.

Naniniwala si Bacani na kapag ang kapangyarihan sa pwesto ay nasa kamay ng iisang pamilya ay iisang pamilya lamang din ang makikinabang kaya’t dapat na aniyang maputol ang pamamayagpag ng political dynasty.

Aniya pa, hindi dapat nangyayari na kontrolado ng isang pamilya lamang ang pamamahala sa isang bayan o sa isang lalawigan.

Ikinadismaya din ng Obispo ang katotohanang nagiging “family corporation” na ang sistema ng pulitika sa bansa na siyang nagpapabagsak sa demokrasya na tinatamasa ng bansa.

“Pag naipon ang poder sa kamay ng iisang pamilya, iisang pamilya na din ang makikinabang lamang at ang bayan ang nakakalimutan. Kaya, harinawa ang mamamayan kahit wala pa, mayroon na tayong batas sa Konstitusyon pero wala pang implementing legislation hanggang sa ngayon,” ani Bacani, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Sinabi pa ni Bacani na kaya’t wala pang implementing legislation dahil ang mga pulitiko rin ang apektado.

“Alam mo naman bakit hanggang sa ngayon wala pang implementing legislation dahil sila ang madi-disadvantage. Yung mga nasa poder eh. Kaya ayaw nilang mabawasan sila ng pagkakataon. Kaya nga isang tanda na iyan na sa susunod na Kongreso yan ang dapat atupagin talaga, na magkaroon ng implementing legislation para sa anti-dynasty provision ng ating Konstitusyon,” dagdag pa ng Obispo.

Dahil dito, pinayuhan ni Bacani ang mga kandidatong ito na bigyan ng pagkakataon ang iba na magsilbi sa bayan.

Nanawagan rin si Bacani sa mga botante na pag-isipang mabuti ang mga ihahalal na kandidato at alamin kung may nagawa bang maganda sa bayan at kung tatakbo pa lamang, ay alamin din kung may kakayahan ba ito na paunlarin ang bayan.

 

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply