Anti-smoking campaign pinaigting ni Recom

HIGIT pang pinaigting ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang “anti-smoking campaign ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng paglalagay ng stickers na nagbabawal sa sinuman na manigarilyo sa mga pampasaherong tricycle sa buong lungsod.

Mismong si Echiverri ang nagpasimuno sa paglalagay ng stickers sa loob at labas ng mga pampasaherong tricycle na nagtungo sa harapan ng city hall main na matatagpuan sa kahabaan ng A. Mabini Street.

Ayon kay Echiverri, sa pamamagitan ng hakbang na ito ng lokal na pamahalaan ay mabibigyan ng babala ang mga naninigarilyo na maaaring makasuhan ang mga ito kapag nagsindi ng kanilang sigarilyo sa lahat ng pampublikong sasakyan at lugar.

Bukod sa nakalagay na “no smoking” sa mga stickers ay idinikit din sa mga tricycle ang mga epekto ng paninigarilyo sa katawan ng tao at ang kaparusahang maaaring ipataw sa sinumang mahuhuling naninigarilyo sa mga ipinagbabawal na lugar at sa loob ng sasakyan.

Katuwang din ni Echiverri sa programang ito si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri na siyang nakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay upang ipatupad sa kanilang mga nasasakupan ang pagbabawal sa paninigarilyo.

Base sa ipinasang ordinansa ng Sangguniang Panglungsod ng Caloocan na ipinaiiral ngayon sa buong siyudad na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at sa loob ng mga sasakyan tulad ng bus, jeep, tricycle at iba pa.

Nakasaad sa ordinance no. 0447 s. 2008 na pinamagatang “an ordinance regulating smoking in Caloocan City, providing penalty for violation thereof, and for other purposes” na ang sinumang mahuhuli na lumalabag dito ay maaaring magmula ng P200 para sa unang paglabag; P500 sa ikalawang paglabag at P1,000 naman sa ikatlo.

Bukod sa mga multang nabanggit ay maaari ding makulong ang mahuhuling naninigarilyo sa mga ipinagbabawal na lugar at sa loob ng sasakyan ng hindi bababa sa tatlong araw at hindi naman hihigit sa anim na araw, depende na rin sa kautusan ng husgado.

Kaugnay nito, hinikayat ni Mayor Echiverri ang lahat ng residente ng lungsod na itigil na ang paninigarilyo dahil bukod sa gastos sa pagbili nito ay maaari pang makakuha ng iba’t-ibang uri ng sakit ang taong naninigarilyo base na rin sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO).

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply