AO 31, ENDOC at iba pang krisis sa buhay

NOONG Oktubre 1, 2012, naglabas ang Malakanyang ng kautusan na ayusin ng lahat ng mga pambansang ahensya ang kanilang mga serbisyong pinababayaran sa mamamayan.

May buntot pang kautusan na magtaas na rin ang mga ito ng mga sinigilin, kabilang ang mga multa sa mga paglabag umano ng mamamayan sa mga batas at patakawan ng pamahalaan at ng mga ahensiya.

Isasagawa ang mga ito para hindi na umano mabawasan pa ang pondo ng pambansang pamahalaan at masairan ito ng pondo sa kabibigay sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Nilalaman ang mga kautusang ito ng Administrative Order 31.

REKLAMO NG MGA UZI

Mabilis na nagreklamo ang ating mga uzi. Sabi nila, pahirap ito sa kanila, sa taumbayan, lalo’t hanggang ngayon ay hindi pa sila nakararamdam ng pagbabago sa kanilang buhay mula sa serbisyo publiko ng gobyerno.

Wala na nga umanong ginagawa ng gobyerno ukol sa mga mungkahi nila para gumaan ang kanilang buhay, lalo pa umanong pinabigat nito ang kanilang kalagayan.

MGA MUNGKAHI

Para magkaroon umano ng laman, dugo at buto ang buhay ng mamamayan, kailangang pansinin ng gobyerno ang maraming bagay na iniiyak nila at magkaroon ng pagbabago.

Itong kontraktuwalisasyon, mga Bro, ang malaking problema. Sabi ng milyon-milyong obrero, parami na nang parami ang biktima ng kontraktuwalisasyon.

ENDOC o end of contract ang tawag sa kanilang mga sarili ng mga biktima ng kontraktuwalisasyon. Kitang-kita ang mga ito sa mga pabrika, mall, restawran atbp.

Diyan nga sa Philippine Airlines na delikado ang pagiging baguhan ay ENDOC din ang patakaran.

KRISIS SA ENDOC

Milyon, mga Bro, ang walang kakayanan na magtayo ng sarili nilang tahanan dahil sa ENDOC. At kung meron man silang hinuhulugan na bahay, kapag dumating na ang ENDOC, nireremata ang mga ito sa kawalan nila ng buwanang panghulog.

Marami rin sa mga ENDOC ang nangungupahan lamang.

Ngunit ke naghuhulog sila o nangungupahan, pinalalayas sila sa kanilang mga tahanan at inuupahan.

GUTOM AT KABOBOHAN

Isa pang grabeng epekto ng ENDOC, mga Bro, ang gutom ng mga pamilya ng mga biktima nito.

Imadyinin natin na limang buwan lang ang trabaho sa kontraktuwalisasyon. Pagdating ng ENDOC, karanasan nang mas mahaba ang panahon sa paghahanap ng trabaho kaysa pagkakaroon ng kapalit na trabaho ng mga biktima.

Hindi lang kalam ng sikmura ang inaabot ng mga biktima. Gutom talaga dahil walang maipambili kahit noodles at 1/4 na bigas at isang latang sardinas.

Heto pa. May gutom na nga, nagsisihinto pa sa pag-aaral ang mga batas sa kawalan ng magastos sa araw-araw na pamasahe, baon at sa mga proyekto sa eskuwela. Kabobohan na ang kasunod ng gutom at pag-dropout sa school.

Hindi uubra, mga Bro, yang kawanggawa ng Department of Social Welfare and Development dito dahil kakatiting lang naman ang ibinibigay sa mga benepisiyaryo ng 4Ps nito.

Kayo na ang bahalang umalam sa kahulugan ng 4Ps ng DSWD.

MAHAL NA LANGIS, KURYENTE, TUBIG

Hindi maintindihan ng mga mamamayan, mga Bro, ang nagaganap sa langis, kuryente at tubig.

Ang sabi kasi ng gobyerno, sa dami ng mga batas at patakaran para maging mura umano ang langis, kuryente at tubig, kabaligtaran ang nagaganap. Mas mahal na ang kuryente sa mahal kong Pinas na bansa ng mga ENDOC at istambay kumpara sa Japan na bayan ng mga mayayaman.

NATURAL GAS AT EPIRA

Ito’y sa kabila ng P14 kada litro ng natural gas na gamit ng mga planta ng kuryente na lumilikha ng kuryente at 60% ng kuryente ng bansa ang galing sa natural gas.

May Electric Power Industry Reform Act na naglalayong gawing mura ang kuryente ngunit itong EPIRA ang itinuturong dahilan ng pagmamahal ng kuryente.

Sa halip na magkaroon ng kompetisyon ang mga kompanya sa kuryente para maging mura ang kuryente, nagkaroon na ang mga ito ng mga kanya-kanyang hawak at teritoryo at idinidikta na lamang nila ang presyo ng kuryente.

Yang ngang pinaka-Divisoria o bagsakan ng bentang kuryente ay bentahan na pala ng mga pinakamamahal na kuryente.

DAGDAG-BAWAS DEREGULASYON

Nakaloloko na rin ang nagaganap sa presyo ng langis. Itong batas na Oil Deregulation Law ay kakambal ng EPIRA. Gaya ng EPIRA, ugat na rin ng sobrang mahal na petrolyo ang ODL.

Katwiran ng mga kompanyang langis, tinitiyak ng ODL na malaya silang magtaas-baba ng presyo ng petrolyo kung kailan nila gusto.

Anak ng tokwa, Kesehodang maghirap ang mamamayan sa mahal na langis na nagpapamahal sa presyo ng mga bilihin, pamasahe at delibery ng mga produkto.

MAHAL NA TUBIG

Ang konsesyon sa tubig na sinasabing magbababa ng presyo ng tubig ay katulad din ang EPIRA at ODL.

Sa halip na bumaba, sobra na ang mahal ng tubig ngayon.

AO 31 AT MGA REKLAMO

Ngayon nga ay sasali na ang gobyerno sa pagpapahirap sa mamamayan sa pamamagitan ng  AO 31 sa paniningil ng mahal na serbisyo publiko nito.

Ito’y sa kabila ng kainutilan nito na tugunan ang mga   krisis sa ENDOC, langis, kuryente, tubig, gutom, kabobohan at marami pang iba.

Ano sa palagay ninyo, mga Bro, ang mangyayari sa mahal kong Pinas?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply