Baboy sa pulitika at sina Morada at Tan ng PTV 4

GAANO ba kahirap ang pagkilala at pagdakip sa mga bumugbog kina  PTV 4 reporter Bernard Tan at  driver-cameraman Dante Morada sa Sta. Mesa, Manila?

Ito ang tanong natin dahil patagal na nang patagal ang paghahanap sa mga suspek na maaaring residente lamang ng nasabing lugar.

ANG PANGYAYARI

Kung matatandaan ninyo, mga Bro, itong sina kasamang Bernard at Dante ay binabagtas ang kahabaan ng V. Mapa St., kanto ng Valenzuela St., sa Sta. Mesa nang maganap ang pangyayari dakong 1:30 ng madaling araw nitong nakaraang Huwebes.

May mga kabataaang tumawid sa V. Mapa St. kaya huminto ang dalawa para hayaang tumawid ang mga ito.

Pero itong nasa limang kabataan na mukhang 16 pataas ang edad at bagets na bagets ang dating sa pagkakaroon pati ng makulay na buhok ay nagalit.

Kinalabog nila ang hood ng markadong sasakyan nina Tan.

Natural na bumaba si Dante upang tingnan kung may sira ang hood.

Dito na kinuyog ng mga kabataan si Dante.

Ginusto naman ni Bernard na payapain ang gulo ngunit siya man ay kinuyog din.

Walang nagawa ang dalawa kundi ang bumalik sa kanilang sasakyan at isara ito.

Ang masama, hindi nakuntento ang mga kabataan sa pangyayari.

Binasag nila ang likurang salamin ng sasakyan ng PTV 4 at napilitan nang lumayo sa
lugar ang dalawang biktima.

LUNES NA

Lunes na at limang araw na matapos ang pangyayari.

Hanggang ngayon ay wala pang malinaw na pagkakilanlan sa mga suspek.

Ano ang latest na balita, kayo riyan sa Manila Police District-Station 8?

Sinukat natin ang layo ng MPD-PS8, eh, nasa isang kilometro lang ang layo nito sa lugar ng krimen.

Wala bang malalim na integrasyon ng pulisya sa mga barangay sa paligid?

TAMA SI ESPINA

Dito natin naalaala, mga Bro, ang isang batayang doktrina ni National Capital Region Police Office chief Leonardo Espina.

Epektibo ang mungkahi niyang dapat na nakabase sa mga barangay ang mga pulis at hindi basta magpalaki na lang ng mga yagbols sa kani-kanilang mga istasyon.

Kung agad-agad na naipatutupad ito, mas madaling i-trace ang mga kriminal, kabilang na ang mga nanakit kina kapatid na Bernard at Dante.

Kasi kilala nina tserman ang kanilang mga residente, mula sa mga kabataan hanggang sa mga matatanda.

Sa pangyayaring ganito, kahit na taga-ibang barangay pa ang mga may kagagawan sa mga krimen, mas madaling kilalanin ang mga ito.

Kung kamag-anak naman ang mga kriminal ng mga opisyal ng barangay, may kakayanan pa rin ang mga pulis na umamoy sa mga kriminal dahil tiyak na may pipiyok na mga politiko, tanod at kagawad sa mga pulis.

Kung hindi dahil sa pulitika ay batay sa katapatan nila sa tungkulin na sugpuin ang mga krimen sa kani-kanilang mga barangay.

PULIS SA BRGY. ITALAGA AGAD

O, General Espina, para sa atin, oks na oks na yan.

Ipatupad kaagad yan.

Mas epektibo pa nga yan kaysa pag-iikot ng mga patrol na naka-aircon ang mga sakay na pulis at hindi nakaririnig ng mga kakaibang pangyayari bukod sa naaabot ng kanilang mga mata.

P1M BOND NG MGA POLITIKO

Pera-pera na rin ba riyan sa Commission on Elections?

Ito ang tanong ng ating UZI makaraang palutangin ng ilang taga-Comelec ang paniningil nito sa mga kandidato ng halagang P1 milyon bilang bond o seguro sa pagkakandidato.

ito umano ang magsisiguro kung genuine o nuisance candidate lamang ang mga nagpa-file ng kanilang mga certificate of candidacy.

PULITIKA MABABABOY

Muntik tayong nalaglag sa ating inuupuan, mga Bro, sa ideyang ito.

Una, sino-sino na lang ang mga may kakayanan na kumandidato?

Yun bang === puro mayayaman na lamang ang mga pupuwedeng kumandidato.

Ikalawa, natural na wala nang mahirap na kakandidato kahit na ito pa ang gusto ng mamamayan na magiging tagapaglingkod nila.

Ano na lang ang magaganap sa ating pulitika?

Alam naman natin na karaniwang walang interes ang mayayaman na unahing paglingkuran ang mga nakararaming mahihirap at inuuna ng mga ito ang kanilang mga pansariling interes.

Tiyak na mabababoy ang public service diyan.

LALONG MAGLOLOKO

Sakaling seseryosohin ng Comelec ang paniningil ng P1M bond sa mga kandidato, pupuwede bang bawiin ito pagkatapos ng halalan?

O gagawing non-refundable.

Kapag magiging non-refundable yan, lalong magloloko ang mga politiko.

Maimadyin ba ninyo, mga Bro, ang mga kandidatong konsehal at mayor sa mga maliliit na bayan?

Tiyak na walang maibibigay sa Comelec na bond ang maraming kandidato riyan.

Ang mangyayari pa nga ay magkakaroon ang maraming bayan ng kawalan ng mga kandidato.

Mawawalan ng lider ang maraming munisipyo at ano ang mangyayari sa mga bayang ito?

ESEP-ESEP

Simple lang ang mensahe rito, mga Bro.

Kalokohan ang P1M bond ng mga kandidato.

Aalisan na ng Comelec ang taumbayan ng gusto nilang magiging lingkod-bayan nila, mabababoy pa nang husto ang binababoy nang politika.

Kawawa naman tayo!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply