Bagong dagdag-buwis ulit

NATATANDAAN ko pa ang mga pangako ng mga kandidatong tumakbo sa sa iba’t ibang posisyon mula konsehal hanggang sa pagka-Pangulo noong 2010 elections.

Halos pare-pareho ang mga pangako nila na bibigyan ng ginhawa ang buhay ng mga tao lalo na iyong mga mahihirap. Gusto nilang maging happy ang lahat sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng trabaho, bahay, edukasyon at libreng pagpapagamot.

Sa galing nga nilang mangako ay iisipin mo na parang nasa langit ka na pagkatapos ng eleksyon dahil bibigyan na nila ng liwanag at pag-asa ang buhay ng mga tao. Pero gaya ng inaasahan ay wala ring pagbabago dahil pagkatapos ng eleksyon ay hindi mo na naman makikita ang mga kolokoy na mga politiko.

At ang mas masakit pa ay hindi na nga nila tinupad ang mga pangako ay mas pinahihirapan pa nila ang mga tao pag nasa puwesto na sila.

Halimbawa na lang ang pangako ni Pangulong Noynoy noong panahon ng kampanya na hindi niya gagayahin si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na madalas magbiyahe sa labas ng bansa.

Pero sa awa ng Diyos ay sobrang daming biyahe na ang ginawa niya at hindi na mabilang sa daliri ang pinuntahan niyang mga bansa simula nang maupo siya dalawang taon na ang nakararaan.

Kaya naman haping-hapi ang mga amuyong niya riyan sa Malakanyang na ni sa panaginip ay hindi nila naisip na makararating sila sa iba’t ibang bansa pero dahil kay Noynoy ay napupuntahan na nila  ngayon ang iba’t ibang lugar.

At hindi lang basta nararating ang ibat-ibang bansa ,kundi libre pamasahe na ay may allowance pa sila . Sarap naman ng buhay ng kolokoy na ito! Ang masakit nito ay sa buwis ng taumbayan kinukuha ng Malakanyang ang ginagastos nila sa walang katapusang biyahe na ginagawa ni Noynoy at mga alipores niya.

Kaya naman hindi kataka-taka kung bakit obligado ang gobyerno na magpalabas at maningil ng mga bagong buwis.

Natatandaan ko pa na noong panahon ng kampanya ay nangako rin si Noynoy na hindi niya basta-basta susuportahan ang anomang panukalang bagong buwis. Pero gaya ng ibang pulitiko ay nabali rin ang mga pangako niya at ngayon nga ay mainit niyang sinusuportahan ang pagtataas ng sin tax at iba pa.

Ang masakit pa nito ay nagpalabas na siya ng Administrative Order No. 31 na nag-aatas sa mga ahensiya ng gobyerno na taasan ang mga sinisingil na bayarin sa mga transaksyon na ginagawa ng publiko sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.

Ibig sabihin ay mas mataas na ngayon ang babayaran ng mga tao sa mga tanggapan gaya ng passport sa Department of Foreign Affairs (DFA), mga sertipiko mula sa National Statistics Office (NSO), clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at mga titulo at iba pang dokumento mula sa Land Registration Authority (LRA).

Apektado rin ang presyo ng lisensya mula sa Professional Regulation Commission (PRC) at iba’t ibang dokumento mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Department of Trade and Industry (DTI) at National Telecommunications Commission (NTC).

Pati mga lisensya at iba pang dokumento mula sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay siyempre tataas din.

Sa madaling salita, bagamat hindi ito isinabatas ay isang porma na rin ng taxation o pagbubuwis ang ginawa ni Noynoy dahil inaasahan nila na kikita ang gobyerno ng daang bilyong piso kada taon mula sa karagdagang bayarin .

Kawawa naman talaga tayong mga Pinoy, hindi na nga tinupad ang mga pangako ay pinahirapan pa ng mga politiko sa pangunguna ni Noynoy ang taumbayan.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply