Bagong PDEA chief, maghihigpit sa tauhan

SA kabila ng mga iskandalo at kontrobersiyang ipinupukol sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nangako naman ngayon ang bagong pinuno nito na si Director General Arturo Cacdac Jr. na magkakasa siya ng “internal cleansing” sa loob ng ahensya.

Sinabi ni Cacdac, na ang una niyang gagawin ay ang paglilinis sa imahe ng ahensya.

Ayon sa opisyal, marami ang mga professional at tapat sa serbisyo sa PDEA, ngunit may mga ilan naman ang kailangang i-isolate upang mapanatili ang kredibilidad nito o para hindi mahawa ang matitinong empleyado.

Sa pamamagitan, aniya, nito ay hindi mahihirapan ang kanilang institusyon na makahingi ng tulong sa mga lokal na pamahalaan at maging sa pribadong sektor sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot.

“Gagawin natin ‘yong internal cleansing. Karamihan naman po kasi sa ating mga kasamahan sa PDEA ay mga professional at naglilingkod ng tapat sa bayan. Pero may kasamahan din sila na ang ilan ay hindi karapat dapat. Dapat ma-isolete ‘yon para hindi madamay ang iba,” ani Cacdac.

Dagdag pa ni Cacdac, makikipag-ugnayan din siya sa iba pang law enforcement agency upang mapalakas pa ang pagsupil at pag-eradicate sa mga laboratoryo ng shabu at marijuana plantation.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng kanyang reaksyon ang bagong talagang pinuno PDEA sa mga isyung kinasasangkutan ng kanyang pinalitan na si Jose Gutierrez, Jr., at ipinauubaya na lamang niya ito sa kinauukulang ahensya na nagsisiyasat sa nasabing sigalot.

Sa ngayon, hindi pa rin mabatid kung kailan magaganap ang turn-over ceremony upang pormal na nitong pamunuan ang PDEA.

Inaasahan umano niya na mangyayari ito kapag napasakamay na ng PDEA ang kanyang official appointment mula sa Malacañang.

Naniniwala si Cacdac na kaya siya pinili ng Pangulong Benigno Aquino dahil nakita ang kanyang maayos na trabaho sa PNP.

Hindi na rin, aniya, bago sa kanya ang trabaho dahil bago pa man mabuo ang PDEA bilang batas ay nanguna na siya sa kampanya laban sa illegal drugs.

Hinawakan din ni Cacdac ang PNP-Firearms and Explosives Unit (PNP-FEU).

Si Cacdac ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1978 at nagretiro noong nakaraang buwan lamang bilang “number two man” ng PNP o police deputy director general for administration.

Naglingkod din siya bilang pulis sa loob ng halos 38 taon at anim na buwan sa serbisyo.

Ang bagong hepe ng PDEA ay tubong bayan ng Rosario sa lalawigan ng La Union.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply