Baho ng Glenn Defense at ‘la daw aksyon si Ladao

MAHIWAGA ang operasyon ng Glenn Defense Marine Asia sa Pilipinas, partikular dito sa Subic Bay Freeport Zone.

Ang Malaysian company na ito ang may kopo ng mga serbisyo sa mga barkong paroo’t-parito sa Subic, kasama na ang paghahakot ng mga duming galing sa mga kubeta na sa laki ng mga barko ay tone-tonelada.

Ito ang Totoo: madumi nga at mabaho, malaking negosyo ito kaya pati dayuhang kumpanya ay interesado.

Pinaghihinalaan ang Glenn Defense Marine Asia na lumalabag sa batas dahil sa pagtatapon sa karagatan ng Subic Bay mismo ng hinahakot na “hazardous waste” mula sa mga barko.

Kamakalawa ay naghakot ang Glenn Guardian, tanker ship ng Glenn Defense, ng mahigit 50,000 gallons o 200,000 litro ng “domestic waste” at “bilge water” saka umistambay sa pantalan ng NSD sa Subic Bay Freeport kung saan, makalipas ang magdamag, misteryosong nawala na ang kargada.

May sulat kamay sa log ng barko ng Glenn Defense na lumabas ito ng Subic Bay para itapon sa dagat ang dumi pero ayon kay Petty Officer 1 Enrico Viuda, ng Marine Pollution Div. ng Philippine Coast Guard (PCG), imposibleng makalabas ng Subic Bay ang kalawanging barko at makababalik ng ganoon kabilis, ibig sabihin, duda siyang doon na mismo sa namamahong pantalan ng NSD pinaagos ang naturang “waste.”

Sa inspeksiyon ng team na binuo ng mga kinatawan ng PCG at SBMA Ecology Dept., napag-alaman rin na ang tanker ship na Glenn Guardian ng Glenn Defense ay sa Honduras sa South America nakarehistro pero expired na rin ang “certificates” nito.

Maraming dapat ipaliwanag sa isyung ito dahil bukod sa parang niloloko ang ating gobyerno, malaking pinsala sa kalikasan, partikular sa Subic Bay, ang mga duming itinatapon na lang umano sa karagatan mismo, gayong may patakarang dapat “treated” muna ito saka pwedeng itapon hindi bababa ng 25 nautical miles sa pampang ang layo.

Patuloy natin itong susundan kaya inyo pong antabayanan.

***

ITUWID lang natin: si Police SSupt. Joseph Tabago Ramac ng Region III PNP Regional Investigation & Detective Management Division ang nagsumite ng opisyal na report na nagsabing kinukunsinti ni Olongapo PNP City Director Christopher Tambungan ang mga tauhan niyang sangkot sa kidnap for ransom, hulidap at kung ano-ano pa.

Sinabi sa report ni SSupt. Ramac kay Region III PNP RD CSupt. Edgardo Ladao, tumatanggap pa si Tambungan ng kaparte sa mga nalilikom na pera ng mga tiwaling pulis-patola.

Sa kabila ng report ni SSupt. Ramac, kahina-hinala ang kawalan ng aksiyon ni Ladao kay Tambungan. Sa halip na i-relieve si Tambungan para hindi mamanipula ang imbestigasyon, ang whistle blower na si SSupt. Armando Mariano pa ang sinibak sa pwesto. Tama po ba iyon Pangulong Noynoy Aquino? Ito Ang Totoo!

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply