Baluktot na daan

KATATAPOS lang ng filing of certificate of candidacy (CoC) kahapon, Biyernes. Noong Lunes, Oktubre 1 ang unang araw nito.

Panahon na naman ng mga iligal na kampanya ng mga pulpol na politiko. Bakit iligal? Ayon sa batas, ang campaign period ng mga national candidate ay 90-araw bago ang eleksyon at 60-araw naman para sa local candidates.

Bakit po ito ang aking paksa ngayong araw? Dahil apektado ang lahat ng motorista. Bakit? Ipit na naman tayo sa trapiko dahil kahit bawal pa ang kampanya ay sinimulan na ng mga politko ang pagtayo sa sasakyan at pagkaway-kaway sa publiko e hindi pa naman oras ng kampanya. Asus. Oktubre 1, unang araw ng pag-file ng CoC ay marami sa atin ang natrapik dahil sa mga kandidato sa iba’t ibang lugar. Kasama ang kanilang mga amuyong at supporters ay pumunta sila sa lokal na tanggapan ng Comelec upang maghain ng kanilang CoC. Ang inyong lingkod ay nasa Gen. Trias, Cavite na patungong Naic sana pero dahil ang kapitolyo ay nasa Trece Martires ay grabe ang trapik na aking sinapit kaya ako’y nagpasya na lang na mag u-turn at dumaan ng Amadeo papuntang Tagaytay.

Sa Comelec head office sa Intramuros, Maynila ay inis na inis si Comelec Chairman Sixto Brillantes dahil hindi lang motorcade ang kanyang nakita. May mga dance number pang naganap sa harap mismo ng Comelec building na nagdulot ng grabeng pagsikip sa kalsada. Alam niyo naman sa Intramuros sadyang makitid na ang mga daan kaya isipin niyo na lang ang nangyaring trapik doon noong Lunes.

Hindi ko naman nilalahat ang mga kandidato. Pero ano po ba ang nais niyong mapala sa pagdadala ng mga supporter at ng napakahabang motorcade sa pag file ng inyong CoC? Sige nga po, paliwanagan niyo naman ako. What the hell do you wanna achieve??? Meron naman kayong prescribed na 60 and 90 days campaign period for local and national candidates respectively.

Para saan po ang parada at mga entertainment number sa kalsada?! Lintik nga naman talaga Diyos ko po. At itong mga ‘to ang gustong maglingkod sa bayan at sa bansa? Asus! Trapik na nga e dinagdagan niyo pa! Kayo po ba ay may isip o nasa tamang pag-iisip kung meron man? Gusto niyong ipaalam sa inyong mga kababayan na kayo ay tatakbo? E kaya nga may campaign period diba.

PNoy, mukhang sa mga kandidato ngayon ay wala namang makasunod sa iyong tuwid na daan. Yung ibang nagpatrapik ay kapartido niyo pa. Nasan na po ba tayo? Simpleng patakaran lang sa pangangampanya ay hindi pa nila masunod. Paghain lang ng CoC kailangan pa may ganung mga banderitas, tambol, mga inutil na escorts at bodyguards tapos mangangako silang ganito ganyan? Puro kabutihang pangako e hindi nga nila maayos ang sarili nila pati mga tuta nilang akala nila’y nasa pwesto rin sila?
Paano mo itutuwid ang daan Ginoong Pangulo?

Mga kapwa motorista, asahan nating lalala pa ang trapik pagdating ng ligal na campaign period. Pero ngayon pa lang ay maging mapagmasid tayo at makibalita sa mga kanayon nang sa gayo’y hindi kayo maipit sa trapik at hindi maperwisyo ng mga mandarayang politiko.

*****

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810khz AM. Inaanyayahan ko rin kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa Kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 55 at G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operator nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply