Banggaan ng 2 barko sa HK sinusuri ng DFA

INAALAM pa ng pamunuan ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung may Pinoy na napabilang sa mga binawian ng buhay sa naganap na insidente sa banggaan ng dalawang barko sa karagatan ng Hong Kong nitong Lunes ng gabi.

Nabatid kay DFA spokesman Raul Hernandez, nakikipag-ugnayan ang mga opisyal ng Pilipinas sa awtoridad ng Hong Kong gayundin sa mga pagamutan upang matiyak kung may napabilang na Pinoy na nasaktan o binawian ng buhay.

Matatandaan na una nang kinumpirma ng awtoridad sa Hong Kong sa Philippine Consulate General na walang Pilipino na napabilang sa mga sakay ng barkong pag-aari ng Hong Kong Electric Company at Hong Kong and Kowloon Ferry Catamaran ay patuloy pa rin ang pag-monitor ng mga opisyal ng Pilipinas sa kaganapan.

Nagbigay din ng hotline 1878-999 ang Philippine Consulate General upang doon makipag-ugnayan ang mga kababayan na nais makakuha ng karagdagang impormasyon hinggil sa insidente at sa kanilang mga kamag-anak sa Hong Kong.

Napag-alaman na nasa 37 katao kabilang ang 5 bata ang namatay sa banggaan ng dalawang barko noong Lunes malapit sa Lamma Island kung saan mahigit sa 100 pasahero ang isinugod sa pagamutan.  Siyam sa kanila ang nasa malubhang kalagayan.

Nailigtas ang mga biktima sa tulong ng divers, helicopters at mga bangka habang dinakip naman ang anim na crew ng dalawang barko dahil sa pagpapasakay ng 120 staff at isang pamilya na noon ay nagdiwang ng autumn festival.

Napag-alaman na nagpasakay ng pasahero ang HK Electric Co. vessel na pag-aari ng bilyonaryong si Li-Ka-shing upang manood ng fireworks sa Victoria Harbour noong Lunes, Oktubre 1 nang magsalpukan ang dalawang barko.

Ayon sa pahayag ng mga biktima, lumubog ang barko sa loob lamang ng sampung minuto.  Naghintay pa ang mga biktima ng 20-minuto bago sila ma-rescue.

Kinailangan pa aniyang basagin ang mga bintana upang makarating ang mga survivor malapit sa pampang.

Napag-alaman na ito ang pinakamalaking insidente sa karagatan ng Hong Kong mula pa noong 1996.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply