Bangkay ng Pinay na pinatay sa UAE iuuwi bukas

INAASAHANG darating bukas ang bangkay ng negosyanteng Pinay na walang awang pinatay ng kanyang kaibigan na may pagkakautang sa nauna ng halos P3 milyon sa United Arab Emirates (UAE).

Inihahanda na ng pamilya ng biktimang si Lorna Lim Varona ang burol nito sa Funeraria Paz sa Manila Memorial Park sa Paranaque City mula sa Oktubre 4 hanggang Oktubre 7 kung saan ay ihahatid siya sa huling hantungan sa Oktubre 8.

Batay sa ulat, nakatanggap ng clearance mula sa mga awtoridad ng UAE ang mga anak ng biktima na ibibyahe na ang mga labi nito sa araw ng Miyerkules.

Mag-aantabay sa pagdating ng labi ni Lorna ang kanyang asawang si Pablo, 51, sakay ng Emirates flight.

Nauna nang bumiyahe kanina mula sa UAE pauwi sa Pilipinas ang kanilang mga anak na sina Lourdes at Maria Liza.  Sina Joseph Luke at Joseph Louis, kanila ring mga anak na lalaki, ang nag-aasikaso ng funeral service ng kanilang ina.

Ipagdiriwang din bukas ang ika-40 araw ng pagkamatay ng biktima mula nang paslangin ng kanyang kaibigan na si Ricardo Bechavez na napag-alamang 20-taon na nitong kaibigan na nasa UAE din.

Matatandaang iniulat na nawala ang biktima noong Agosto 26 matapos makipagkita sa isang kaibigan na may pagkakautang sa kanya.

Hindi siya nakauwi sa tinutuluyang bahay sa UAE hanggang matagpuan ang bangkay noong Setyembre 1 sa loob ng kanyang sasakyang (Jaguar) na natagpuang abandonado.

Nabatid na nasa Dh 250,000 (P2,850,000) ang hiniram ni Bechavez sa biktima na nakatakdang singilin ng araw na siya ay mawala.

Kaagad namang umamin si Bechavez sa krimen nang kwestiyunin ng mga awtoridad sa UAE.

Batay sa death certificate na natanggap ng pamilya Varona nagtamo ng mga saksak sa dibdib at tiyan ang biktima.  Nabali rin ang kanyang ribs at nawasak ang baga kaya’t nagkaroon ng matinding internal bleeding.

Nakita rin ang malaking wakwak sa kanyang kaliwang palad na pinaniniwalaang nahawakan pa ng biktima ang patalim na ginamit ng suspek.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply