Bangsamoro entity na pro-Western Muslim country, ikinabahala ng Obispo

NANGANGAMBA ang isang arsobispo na magiging ‘pro-Western Muslim country’ ang Mindanao kasunod nang pagbuo ng Bangsamoro entity, kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Kasabay nito, umapela sa Kongreso si Lipa Archbishop Ramon Arguelles na tingnang mabuti at pag-aralan ang draft agreement sa pagitan ng government peace panel at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na nakatakda nang lagdaan ng Pangulong Aquino sa Oktubre 15.

Ayon kay Arguelles, kailangang makatiyak na ang naturang kasunduan ay para sa kapakanan ng mga mamamayan at magdudulot ng kapayapaan sa Mindanao.

Dapat rin, aniyang, patunayan ng magkabilang panig sa mga mamamayan na hindi sila bubuo ng isang “Pro-Western Muslim country” sa Mindanao.

Sinabi ni Arguelles na duda siya sa naturang kasunduan lalo na at masayang-masaya ang Amerika hinggil dito.

Nangangamba ang arsobispo na posibleng pagkakaroon ng legal na ‘foreign military bases’ sa Mindanao dahil sa ngayon ay mayroon ng mga US troops na naka-base doon.

“Ako medyo duda ako diyan, baka mamaya dina- dissect na ang Pilipinas. Isang nakapagtataka at masayang-masaya sa kasunduan ang Amerika. Batay nga sa napanuod ko na talagang-talagang mayaman ang lugar na yan in mineral resources. First of all, halimbawa, yung binigyan nila ng autonomy ang Bangsamoro, ibig sabihin ba na puwede silang pumayag na without considering kung ano ang nilalaman ng Philippine constitution? Puwede kayang tumanggap sila ng foreign troops sa kanilang lugar.  Alam ko na mayroon akong nabasa na libro na sinasabi na plano talaga to create US  friendly Muslim State in that area. That is Southern and Eastern Philippines. That is very rich area in resources na gustong makuha ng mga rich nations,” ani Arguelles, sa panayam ng radyo.

Naniniwala rin si Arguelles na malaking hamon sa mga mambabatas na tiyaking hindi masasakripisyo ang territorial integrity ng bansa sa usapin ng Bangsamoro na napagkasunduan ng MILF at GRP.

Iginiit rin niya na mas mabuting maging transparent ang kasunduan para maging bukas ito sa debate.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply