Bangsamoro susi sa kapayapaan

ANG mahuli ay taya! Ito ang nagkakaisang tugon ng halos lahat ng sektor sa bansa hinggil sa nakatakdang pirmahan sa pagitan ng MILF at ng GPH na sumasalamin sa positibong pagtanggap sa mga isyu na nakapaloob sa balangkas na isinagawa sa Malaysia nitong mga nakalipas na buwan sa pamamatnugot ng Office of the Presidential Peace Adviser on Peace.

Isa raw itong panaginip na maituturing ng ilang grupo dahil sa ang akala nilang pagiging masalimuot na isyu hinggil sa Bangsamoro ay nagkaroon ng katiyakan na maibalangkas ito ayon sa napagkasunduan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng MILF.

Bagama’t natatanging si Prof. Nur Misuari, chairman ng MNLF, ang naririnig na may pagtutol, ang karamihan sa mga kasapi at matataas na kumander ng MNLF ay nagpahayag ng pagsang-ayon sa mga nakapaloob na mga punto de bista sa framework agreement.

Sa isang panayam, sinabi ni Bainon Karon, OIC Regional Vice Governor ng ARMM at chairperson ng Bangsamoro Committee on Women ng MNLF, na dapat suportahan ang framework agreement para matapos na ang matinding paghihirap ng mga Moro sanhi ng di-matapos-tapos na sigalot.

Dapat anya na magamit ang lakas-paggawa ng mga kalalakihan at kababaihan para iahon sa kahirapan ang karamihang bilang nila sa ARMM.

Hindi na dapat nakasalalay sa tulong na ibinibigay ng mga international relief organizations ang mga pagkaing idinudulog sa hapag-kainan ng mga pamilyang nasa iba’t ibang evacuation center sa ARMM, pagbibigay diin ni OIC RVG Karon.

Maging ang international community ay hindi magkamayaw sa pagpuri sa “political will” ni PNoy na tuldukan ang matagal ng hidwaan na umiral ng apat na dekada simula nang mag-aklas ang MNLF noon laban sa malawakang panunupil ng militar na kontrolado ng dating diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos.

Ang MILF ay isang splintered group ng MNLF na tumiwalag dahil sa pagtanggap ng MNLF sa Tripoli Agreement na nakasalalay sa Constitution ng bansa sa pagpapatupad nito.

=OOO=

KAUGNAY nito, isang peace caravan na binubo ng 25 vehicle-convoy na nagmula sa ARMM ang nakatakdang dumating ngayong Lunes para dumalo sa gagawing rally bilang suporta sa framework agreement ng MILF at ng GPH sa Mendiola. Ito ay pinangunahan ni Sultan Penny Disimban, Assistant Secretary ng Department of Agriculture at Fisheries ng ARMM, na isa sa mga lider-Moro na kasapi ng progressive bloc sa ARMM.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply