Banta sa whistleblower sa anomalya ng malampaya gas project, nakababahala

NAKATATANGGAP na umano ng death threats o pagbabanta sa buhay ang mga whistleblower na nagsiwalat ng umano’y maanomalyang paggamit sa P3.1 bilyong kita sa Malampaya gas project sa Puerto Princesa sa Palawan.

Ito ang ibinunyag kahapon ni Palawan Bishop Pedro Arigo na nagsabing labis siyang nag-aalala sa seguridad ng mga naturang whistleblower na patuloy aniyang nakakatanggap ng death threats.

Ayon kay Arigo, bukod sa pagkakapaslang sa kasamahan nilang si Doc Gerry Ortega at dalawang iba pa, na hindi pa nabibigyan ng hustisya, ay marami pa sa kanyang mga kasama ngayon ang patuloy na nakakatanggap ng death threat dahil malalaking pulitiko ang kanilang nasasagasaan.

Bunsod nito, nananawagan ang Obispo sa mga kinauukulan na bigyan ng kaukulang pansin ang isiniwalat nilang anomalya para makamit ng mga nasawi ang katarungan at mailayo sa kapahamakan ang mga testigo sa katiwalian.

Nagpapasalamat rin naman ang Obispo na hindi pa siya nakakatanggap ng mga pagbabanta o pananakot.

“Ako naman ay hindi pa nila nababantaan bagamat ang mga kasama ko ay mayroon ng mga death threat. Yung dalawa sa grupo namin sa pagbubulgar sa katiwalian sa Malampaya funds ay napatay na. At pareho silang sa Radyo at talagang hinahagupit nila ang kurapsyon. Ang unang pinatay ay si Dong Padul, mahusay na announcer at commentator, then itong si Dok Gerry Ortega. At recently, yung isang kasamahan namin na si Dok Antonio Socrates na isang bayaning Filipino finalist ay namatay din,” ani Arigo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“So, sana naman po ay tutukan ito ng pamahalaan. Sana naman ay magkaroon ng kahihinatnan itong aming ipinaglalaban para na rin sa mga kasamahan namin na nag-alay ng buhay para masawata ang matinding kurapsyon sa Palawan,” aniya pa.

Samantala, ikinalungkot ng Obispo ang mabagal na pagtugon ng pamahalaan sa mga kaso ng pagpaslang sa kanilang mga kasamahan at ang pagsawata sa “culture of impunity” sa bansa.

Nangangamba ito na marami pang buhay ang masasakripisyo kung patuloy na mabagal ang hustisya at pagtugon ng pamahalaan sa problema sa kanilang lalawigan.

Nauna rito, iginiit ni Arigo kasama ni Mika Ortega, anak ni Doc Gerry Ortega na kasuhan ng plunder ang dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at mga opisyal ng Palawan sa umano’y maanomalyang paglustay sa kita ng Malampaya gas project.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply