Bata ni dating FG matinik; QCPD is still the best

BAGO pa man mawala sa puwesto si dating Ombudsman Merceditas Gutierrez, nagawan na umano nito ng paraan na mailusot ang isa sa daan-daang kasong nakasampa sa kanyang tanggapan laban sa mga tiwaling opisyal at tauhan ng pamahalaan.

Isang “midnight resolution” umano ang ipinalabas ng Ombudsman na pumapabor na muling maibalik sa puwesto si Bureau of Customs police Joey Yuchongco, isang “mabuting sundalo” ni dating First Gentleman Mike Arroyo na paboritong kaklase naman si Gutierrez.

Para sa kaalaman ng marami, si Yuchongco ay sinampahan ng iba’t ibang kaso ng katiwalian bukod pa sa hindi maipaliwanag na yaman sa Office of the Ombudsman.

Subalit nagawaan ito ng paraan sa pamamagitan ng mabilisang resolusyon bagaman nang panahon na iyon ay nahaharap na rin sa kasong impeachment si Gutierrez.

Bago pa man naisampa nang tuluyan ang kaso, nagbitiw na sa tungkulin si Gutierrez kung kaya’t hindi na natuloy ang impeachment laban sa huli.

At dahil batid na mali ang nangyaring ayusan sa Ombdusman, kinuwestiyon  naman ng tatlong mahuhusay na mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na sina  Neil Tupaz, ng Iloilo, at Teddy Casiño at Neri Colmenares, kapwa ng Bayan Muna, ang desisyong ipinalabas ni Gutierrez.

Ayon sa tatlo, kahina-hinala ang ginawang pagpabor ni Gutierrez kay Yuchongco bukod pa sa napakabilis na resolusyon at pag-absuwelto rito.

Pero ang malaking katanungan dito ay kung ano na ang nangyari sa hiling na imbestigasyon ng mga mambabatas dahil duda sila noon na “ginapang” ni Yuchongco si Gutierrez bago pa man ito lumayas sa puwesto.

Sa kanila, ano naman ang nangyari? Hindi kaya, tulad ni Gutierrez ay “naayos” din sila ni Yuchongco na hanggang ngayon ay nabibigyan pa rin ng pabor ng mga broker at smuggler sa Aduana?

oOo

Kinilala ang Quezon City Police District (QCPD) na ngayon ay pinangungunahan ng butihing director nito na si Chief Supt. Mario dela Vega bilang pinakamahusay na distrito ng pulisya  sa Kamaynilaan (best police district in Metro Manila) sa katatapos na 111th Police Service Anniversary celebration na ginanap sa National Capital Region Police Office  (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City noong Lunes.

Pinatunayan ni Gen. Dela Vega ang kanyang husay sa pamumuno nang muling maibalik sa QCPD ang ilang taon din naman nitong iningatang karangalan— ang pagiging best police district.

Maliban sa nakuhang pinakamataas na parangal, nakopo rin ng QCPD ang Best City Government na para kay Mayor Herbert Bautista; Best Urban Barangay Protection Action Team para naman sa Sangandaan Police Station; Best District Public Safety Battalion na pinangungunahan ni Sr. Supt. Gerardo Ratuita; Best Women and Children’s Protection Unit sa pangunguna ni Sr. Insp. Rowena Lambojo at Best Junior Police Commissioned Officer na nalambat ni Insp. Elmer Monsalve, isang tahimik subalit matinik na opisyal ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

Bunga naman ng nakamit na mga karangalan, isang pagpupugay at pagbati ang ipinaaabot ng Pakurot sa pamunuan ng QCPD na patuloy ang pagseserbisyo hindi lang sa mga mamamayan ng lungsod subalit sa lahat ng nangangailangan ng kanilang serbisyo.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply