Bata Reyes susubukan si Appleton

TUMUTUMBOK pa rin sa winner’s bracket sina Efren “Bata” Reyes at Dennis “Robocop” Orcollo sa 37th Annual U.S.Open sa Holiday Inn Virginia Beach – Norfolk Convention Center sa Virginia, USA.

Kaninang umaga pinisak nina 1999 World 9-ball champion Reyes at Orcollo sa magkahiwalay na laban sina Thorsten Hohmann, 11-9 ng Germany at mark Gray, 11-7 ng Great Britain ayon sa pagkakasunod.

Sa susunod na pagsargo ng 58-anyos Reyes, ay makakaharap nito si Darren Appleton ng Great Britain habang si Orcollo ay kakalabanin ang hindi kilalang si Mike Davis.

Ang ibang Pinoy cue artists na nagpakitang gilas ay sina Alex “The Lion” Pagulayan, Ronato “Volcano” Alcano at Jose “Amang” Parica.

Dumaan sa butas ng karayom sina Pagulayan, Alcano at Parica bago nila tinalo ang kanilang mga nakatunggali.

Tagaktak ang pawis ni Pagulayan kay Santos “The Saint” Sambajon, 11-9, makapigil hininga naman ang panalo ni Alcano kay David Alcaide ng Spain, 11-10 habang si Parica ay napangiti sa tuwa ng kunin ang 11-9 panalo kay Donny Mills ng USA.

Makakatapat ni Pagulayan si Daryl Peach ng Great Britain na lusot kay Ralph Eckert, 11-5, habang kasarguhan ni Parica si Raj Hundal ng India na winasiwas naman si Nick Ekonomopoulos, 11-7. Makakaduwelo ni Alcano si Mika Immonen ng Finland  na siyang nagpatalsik kay Filipino cue master Francisco “Django” Bustamante, 11-8, sa loser’s side.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply