Bentahan ng droga sa BuCor palasak pa rin

BAGAMA’T pansamantalang nasa leave of absence ang director ng Bureau of Corrections na si ret. General Gaudencio Pangilinan, palasak at malakas pa rin umano ang bentahan ng droga sa kulungan lalo na sa maximum compound.

Sa ilang text messages na natanggap at ilang impormasyong nakalap ng PAKUROT, ito ay dahil sa pawang nakabalik na sa nasabing kulungan mula sa iba’t ibang kolonya ang talamak at bigtime na Chinese drug lords at pushers.

Bago pa man daw nawala sa BuCor si Pangilinan, nakabalik na ang mga salot ng lipunang nagkakalat ng droga sa kulungan kapalit ng napakalaking halaga.

Umaabot daw sa isa’t kalahati hanggang dalawang mansanas ang presyo ng pagbalik ng mga ito sa Muntinlupa.

Kaya nga ayon pa sa impormasyon, wala nang dahilan pa para bumalik si Pangilinan.

Nabatid na tinangka ni Justice Secretary Leila De Lima na pigilan ang pagbabalik ng mga presong nasa kolonya na ipinatapon ni Pangilinan subalit nakalusot pa rin umano ito sa mahusay na kalihim.

Ngayon, ayon pa sa text messages, malakas ang ugong sa kulungan na babalik si Pangilinan dahil talagang super lakas ito kay Pangulong Benigno Aquino III at tila nahilot na ang kanyang mga kakulangan at pagkakamaling nagawa sa pamamahala sa pambansang piitan.

Naghain ng leave of absence si Pangilinan matapos pumutok ang balitang dinukot sa loob ng piitan si Rolito Go at kanyang pamangking tagapag-alaga niya.

Subalit lumabas ang mga ulat na nakalalabas talaga ng piitan si Go upang magsugal.

Ayaw ng mga preso na makabalik si Gen. Pangilinan dahil ayaw nilang maghari-harian pa ang kaklase nito sa Philippine Military Academy (PMA) na isang pulis at mga kasamahan niya sa sobrang pagmamaltrato sa mga kasamang preso.

Natuwa nga ang mga ito kamakailan nang i-bartolina ang pulis dahil sa pagiging pasaway.

Pilit pa rin umanong naghahari-harian ang dating pulis na ito at ilang tao niya sa kulungan kung kaya’t pinatawan ng parusa.

Panawagan ng mga preso at mga kamag-anak ng mga ito kay Pangulong Noynoy na pumili na lang ng ibang hahawak ng kulungan at huwag na ipilit ang gusto niyang si Pangilinan.

Hindi lang naman mga preso ang demoralize sa pamunuan ni Pangilinan kundi maging ang mga empleyado nito.

Dahil sa naiwan pa rin nitong ilang tauhan, tuloy-tuloy umano ang bentahan ng droga na ang biktima ay pawang mga preso rin.

Panawagan din kay Secretary De Lima na maimbestigahan ang pagbalik ng mga presong dayuhang siyang nagkalat ng droga sa lipunan sa Muntinlupa mula sa iba’t ibang
kolonya.

Sana raw ay mas paboran ni De Lima ang mga hinaing ng mga presong nasa ibang kolonya na makabalik sa Muntinlupa dahil dinapuan ng karamdaman.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply