Biktima ng baha sa Montalban, magbabarikada vs NHA

NAGHAHANDA na ang mga maralitang relocatees na nakatira sa Kasiglahan Village 1K2 Phase 1, Brgy San Jose sa nakaambang pagpapalayas na gagawin sa kanila ng National Housing Authority ngayong umaga, sa kabila ng kautusan ng lokal na pamahalaan ng Rodriguez Rizal na manatili ang mga residente sa kanilang lugar.

Ang mga magbabarikadang residente ay naging biktima ng pagbaha sa relokasyon sa Montalban dulot ng Hanging Habagat noong Agosto. 1,026 pamilya na nakatira sa mababang lugar sa relokasyon sa Montalban ang lumikas at nag-okupa sa mga bakanteng yunit sa KV 1K2 Phase 1, at ngayon ay gingipit ng NHA para lisanin nila ang mga inokupang yunit.

Ayon sa Teresa Robilo, lider ng Kadamay-Anakpawis Kasiglahan Chapter “Dapat kilalanin ng NHA ang kautusang inilabas ng lokal na pamahalaan na sila ay manatili sa kanilang mga bagong tirahan. At habang may nagpapatuloy na negosasyon sa pagitan ng NHA, LGU at mga residente, dapat iwasan umano ng nasabing ahensya na gumamit ng mga taktika para sila ay palayasin.”

Si Robilo ay dating residente sa Kaligayan, Novaliches na lumipat sa Montalban matapos idimolis ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon ang kanilang komunidad para pagtayuan ng Bistekvillage, isang tipo ng ‘socialized housing’ ng QC LGU.

“Biktima na nga kami ng mga demolisyon sa Metro Manila at ng bulok at peligrosong pabahay ng gubyerno dito sa relokasyon, patuloy pa nila kaming binubusabos ng ahensiya sa pabahay ng gubyerno na dapat sana ay magtitiyak ng aming karapatan sa paninirahan,” daing ni Robilo.

Inaasahang dumating ngayong araw ang ilang mga pamilyang nagboluntaryong lumikas mula sa North Triangle, Quezon City, upang tumira sa mga inuukopang yunit ng mga nabahaan sa Kasiglahan Village. Tinatakot rin umano ng NHA at New San Jose Builders ang mga nag-okupang residente na tatanggalan sila ng suplay ng kuryente at tubig upang mapaalis sila sa kanilang tirahan.

“Pilit na nagkakasya ang limang pamilya sa isang housing yunit upang makaiwas lang sa susunod sa pagbaha sa lugar, gusto pa nila kaming palayasin sa aming mga tahanan,” dagdag pa ng lider.

Hiling nila na maiward na sa kanila ang mga inukopa nilang yunit, at mabiyayaan sila ng mga batayang serbisyong panlipunan lalo na ng regular na mapangkukunan nila ng kabuhayan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply