Binata nangholdap, arestado sa Taguig

ARESTADO sa isinagawang follow up operation ng mga tauhan ng Taguig City police ang isa sa dalawang holdaper makaraang agad na makahingi ng saklolo ang kanilang nabiktima sa pulisya kagabi sa nabatid na lungsod.

Kinilala ang suspek na si Vincent Modal, 19, ng 123 Bataan St., Barnagay Central, Taguig habang pinaghahanap naman ang kasamahan nitong si Kenneth Dumalag, 18, ng Bataan cor. Libis Zone 5, Brgy. Central Signal, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Taguig City Police, nadakip ang dalawang suspek dakong alas-7:30 kagabi sa kahabaan ng FTI Road cor. Zambales St, Zone 5, Central Signal ng naturang lungsod.

Ayon sa biktima na humiling na itago ang pangalan, naghihintay siya ng masasakyan sa naturang lugar nang bigla siyang hilahin buhat sa likuran ng dalawang suspek at tutukan ng patalim sabay deklara ng holdap.

Agad na kinuha ng mga suspek ang kanyang Blackberry cellular phone at iba pang mahahalagang gamit saka tumakas. Hindi naman pinanghinaan ng loob ang biktima na mabilis na nagtungo sa Brgy. Central Signal Police Community Precinct at nagsumbong.

Isang follow up operation ang ikinasa ng pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na si Modal habang nakatakas naman si Dumalag makaraang maghiwalay ang dalawang holdaper.

Nakuha sa posesyon ni Modal ang isang patalim habang tangay umano ng suspek na si Dumalag ang gamit ng biktima.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply